PatrolPH

Tulong hiling ng grupo ng OFWs na nawalan ng trabaho sa Saudi dahil sa lockdown

ABS-CBN News

Posted at May 14 2020 03:03 PM | Updated as of May 14 2020 03:30 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Humihingi ng tulong ang may 45 overseas Filipino workers matapos na mawalan ng trabaho dahil sa epekto ng lockdown dulot ng COVID-19 sa Riyadh, Saudi Arabia.

Ayon kay Julius Ceasar Morales, Abril 1 nang abisuhan sila ng pinagtatrabahuhang pizza place na walang kasiguraduhang makababalik pa.

"[Nasa] 70 po kami noon, naging 45 na lang," kuwento ni Morales sa Teleradyo. 

Ang 25 na iba pa ay inilipat ng trabaho pero sila ay natagalan dahil sa takot na mahawa ng coronavirus.

Nitong nakaraang araw ay sumahod sila pero may kondisyon na tanggalin sa social media ang nai-post nilang video na nagpapakita ng kanilang sitwasyon.

"May pinost na video para maalarma na 'yung agency d'yan sa Pilipinas at dito sa Riyadh, hirap na hirap na po kami. Wala po kaming sahod, halos wala na po kaming makain dito, hirap na hirap na po kami," saad niya.

Hati umano ang kanilang grupo dahil may iba na gustong manatili at makalipat ng ibang trabaho habang may ilan din ang nais na lamang umuwi sa Pilipinas para makapiling ang kanilang mga pamilya.

"Ang iba sa amin gustong umuwi. Ang iba gustong magtrabaho pero sana naman po 'yung maayos na trabaho. Ang gusto ng iba dito lang sa Riyadh. Kami po gusto na naming umuwi nang maayos, makuha ang benepisyo na nararapat para sa amin at 'yung natitira pa namin," sabi ni Morales.

Nangako naman ni Jay Teves, ang officer-in-charge ng Overseas Workers Welfare Administration Advocacy and Social Marketing Division na ikokonekta niya ang grupo sa Philippine post sa Saudi Arabia nang agarang mabigyan ng solusyon ang kanilang problema.

"We need to ensure din muna na 'yung kanilang unpaid salaries at saka ibang mga dapat matanggap kung biglaang naputol ang kanilang kontrata. Ia-assess nang mabuti ng ating Philippine Overseas Labor Office sa Riyadh and I'm sure 'di po pababayaan 'yung concern ng ating kababayan," sabi ni Teves.

Tatawagin din nila ang atensiyon ng lokal na recruitment agency ng mga OFW para iparating ang kanilang sitwasyon.

"Para masiguro natin na gagampanan nung recruitment agency natin dito ang kaniyang role sa mga ganitong sitwasyon," banggit ni Teves.

Paliwanag ni Teves na kung wala namang labor issues at kapag mabigyan sila agad ng exit visa ng kanilang employer ay gagawa ng paraan ang embahada para makakuha sila ng flight pauwi ng Pilipinas.

"Pero kung magkakaroon ng labor issues like 'di ibigay ng employer ang kanilang sweldo, 'di sila bigyan ng exit visa, baka po ma-delay pa considering po 'yung sitwasyon na may kinakaharap tayong pandemic," saad niya.

Pangunahin aniya ay dapat mabigyan ng kaukulang medikal na atensiyon at food packs ang grupo.

"We will leave sa post ang kanilang contact details para ma-ascertain 'yung kanilang condition kung mayroong nangangailangan ng medical attention mabigyan agad, kung sila ba ay nakakakain ng maayos, mabigyan sila ng food packs, masuplayan sila," sabi ni Teves.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.