PatrolPH

Publiko, hinikayat na magsumbong sa DILG ng mga opisyal na lumalabag sa quarantine

ABS-CBN News

Posted at May 14 2020 07:30 PM | Updated as of May 14 2020 09:45 PM

MAYNILA - Pinayuhan ng Malacañang ang publiko nitong Huwebes na isumbong sa Department of the Interior and Local Government ang sino mang taga-gobyerno na lumalabag sa enhanced community quarantine protocols.

Sagot ito ni Presidential spokesperson Harry Roque matapos matanong patungkol sa napaulat na birthday party ng mayor ng Santo Tomas, Pangasinan kahit may pinapairal na community quarantine kung saan bawal pa rin ang mass gatherings.

Kamakailan lamang din ay nabatikos si Police Maj. Gen. Debold Sinas, hepe ng National Capital Region Police Office, at ilang senior police officers dahil sa birthday celebration ng opisyal na nakikitang paglabag din sa ECQ guidelines.

Ayon kay Roque, kung may alam pa ang publiko ng mga paglabag sa community quarantine, agad nila itong ipagbigay alam sa DILG dahil aaksyunan agad ito.

Giit niya, dapat nagiging magandang halimbawa ang mga opisyal ng gobyerno lalo na paulit-ulit ipinapalala ng pamahalaan sa publiko ang pananatili sa mga bahay at pagsunod sa mga community quarantine measures. --Ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN news

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.