Pag-import ng manok tigilan habang may pandemic para iwas-lugi: grupo

ABS-CBN News

Posted at May 14 2020 05:55 PM

Nanawagan ang isang grupo sa Department of Agriculture na itigil muna ang pag-aangkat ng manok ngayong may coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic, ngayong sobra-sobra ang suplay at matumal ang benta sa ilang pamilihan.

Kasunod ito ng pagsadsad ng presyo ng manok sa ilang pamilihan sa Metro Manila.

Ayon kay Elias Inciong, pangulo ng United Broiler Raisers Association, kakaunti ang demand ng manok ngayong naka-lockdown at apektado ang hanapbuhay ng mga mamimili.

"Walang hanapbuhay ang mga tao ngayon, walang demand. kaya kahit yung manok na papunta sa households, nabawasan din," ani Inciong.

"I-suspend muna ng ilang buwan para 'yung sa cold storage, mabawasan. 'Yung nasa cold storage kasi both local naman 'yan at imported. Punong-puno na 'yung cold storage," ani Inciong.

Sa datos ng National Meat Inspection Service, doble ang dami ng mga manok sa mga cold storage kumpara noong 2019. Giit pa ni Inciong, walang kasiguraduhang tataas ang demand pagbukas ng ilang industriya kapag pinaluwag na ang lockdown.

Sa Muñoz Market, nasa P120 hanggang P130 ang kada kilo ng manok. Sa Commonwealth Market naman, sumadsad ang presyo nito sa P90 hanggang P100.

Bagay ito na ikinabahala ng mga nagbebenta.

"Mahirap sa ngayon. Pero may tubo pa rin naman maliit nga lang," ayon kay Mary Jane Rodrono, nagtitinda ng manok.

Pag-aaralan ng DA ang iminungkahi ng grupo.

PAGDAGSA NG IMPORTED RICE IKINABAHALA 

Samantala, ikinabahala ng Federation of Free Farmers ang sobra-sobrang suplay ng bigas.

Sa tala ng grupo, nasa 729,000 metric tons ng 2.7 million metric tons ng imported rice ang dumating na sa bansa.

“So ang mangyayari niyan, glut then babagsak ang presyo then madidiscourage na naman ang farmers na magtanim. Ano ba talaga yung policy?" paliwanag ni Raul Montemayor, general manager ng Federation of Free Farmers.

Giit naman ni Agriculture Asec. Noel Reyes, maituturing na contingency ang paparating na suplay lalo na't nangangailangan ng dagdag-suplay para sa relief packs na ipinapamigay ngayong may pandemic.

"Mataas ang withdrawals ngayon lalo na sa mga food packs mga ganyan. LGUs, tuloy-tuloy pati mga household nag-iimbak sila more than sa kanilang requirements. We just want to make sure may enough buffer tayo going into the lean months," ani Reyes.

Sa ngayon, tumaas ang presyo ng bigas sa ilang pamilihan dahil sa pagtaas ng presyo ng palay, ayon sa ilang nagbebenta.

"Dati P1,750 kuha namin maganda na ang klase ng bigas, ngayon P2,000 na ang kuha namin tapos hindi pa maganda ang klase ng bigas," ani Marideth Cana, tindera ng bigas.

Sabi ng grupo, kung hindi mababalanse ang production at imports, magkakaroon umano ito ng masamang epekto sa presyo ng bigas.

-- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.