Mga biyahero, cargo vessel stranded sa Bicol, Visayas dahil sa bagyong Ambo

Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Posted at May 14 2020 09:41 PM | Updated as of May 14 2020 11:18 PM

MAYNILA (UPDATE) - Naantala ang pagbiyahe ng ilang cargo vessel sa Bicol region at Eastern Visayas dahil as pananalasa ng bagyong Ambo.

Ayon sa Philippine Coast Guard, nasa 112 na cargo driver at helper ang stranded sa Bicol region hanggang nitong 4 p.m. Huwebes.

Nasa 124 naman na cargo driver at helper ang stranded sa Eastern Visayas.

Suspendido din ang paglalayag ng nasa 119 rolling cargo at 14 cargo vessel mula Bicol region patungong Samar, at mga mula Samar patungong Sorsogon.

Pinagbabawalan ang paglalayag sa karagatan kapag naitaas na ang tropical cyclone wind signal (TCWS) No. 1 sa lugar na panggalingan o ang lugar na pupuntahan ng mga sasakyang pandagat.

Kasalukuyang nakataas ang TCWS No. 3 sa Sorsogon, Albay, Masbate, Catanduanes, Camarines Sur, Camarines Norte, katimugang bahagi ng Quezon, Northern Samar, hilagang bahagi ng Eastern Samar, katimugang bahagi ng Samar, at Biliran.

Maaari ring muling magla-landfall ang bagyong Ambo sa Sorsogon matapos itong maunang maglandfall sa Eastern Samar Huwebes ng tanghali.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.