PatrolPH

Mga biyahe ng Vallacar Transit sa Negros Occidental, simula na ulit sa Lunes

Mitch Lipa, ABS-CBN News

Posted at May 14 2020 11:07 PM

Mga biyahe ng Vallacar Transit sa Negros Occidental, simula na ulit sa Lunes 1
Tuloy na ulit sa pagbiyahe ang mga bus ng Vallacar Transit sa Negros Occidental simula Lunes, Mayo 18. Mitch Lipa, ABS-CBN News

Magsisimula na ulit sa pagbiyahe ang mga bus ng Vallacar Transit sa buong Negros Occidental simula Lunes, Mayo 18.

Ayon kay Jade Sebal los nitong Huwebes, media relations officer ng Vallacar Transit, minabuti ng kompanya na sa Lunes na magbalik sa pagbiyahe ang mga bus, kahit na pwede na sana sa Sabado, dahil may briefing pa na isasagawa para sa mga drayber at konduktor nito.

Aniya, hinihintay nila ang bagong taripa sa pamasahe mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Bahagi sa ipapatupad sa pagbalik ng operation ng Vallacar Transit ay ang pag-require sa mga pasahero na maghugas ng kamay bago pumasok sa terminal.

Dapat ring naka-face mask ang mga pasahero. Hindi sila pwedeng makapasok sa terminal at makasakay sa bus kung walang suot nito.

May footbath din sila na dadaanan bago pa sila makapaglista sa passenger manifest. Kukuhanan din ng body temperature ang mga sasakay na pasahero.

Hindi na magpi-pick up ng mga pasahero sa mga highway ang mga bus, kundi ang mga nasa bus stop na lamang at mga terminal.

Ang mga upuan ng bus ay may markings na para sa physical distancing. Isang plastic cover din ang nilagay sa pagitan ng drayber at nga mga pasahero.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.