Mabagal na resulta ng swab test, hinaing ng naka-quarantine na seafarers

ABS-CBN News

Posted at May 14 2020 03:53 PM | Updated as of May 14 2020 05:19 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Isang grupo ng sea-based overseas Filipino workers ang umaapela na agad nang mailabas ang resulta ng kanilang swab test para makauwi na sa mga nag-aalala nilang mga pamilya.

Ayon kay "Xave," tumatayong kinatawan ng grupo, may 25 araw na silang naghihintay na muling makita ang mga pamilya matapos na makauwi sa bansa noong Abril 18 sakay ng chartered flight mula sa Florida.

"Sinalubong kami ng agency, dinala kami sa mga hotels. After 14 days, lalabas kami kinukuha temperature namin araw-araw," kuwento niya sa panayam sa Teleradyo. 

Pero bago matapos ang quarantine ay inabisuhan silang kailangan munang mag-swab test bago tuluyang mapauwi kung saan ang resulta ay lalabas nang tatlo hanggang apat na araw.

"After kaming makunan, ini-expect naming makakauwi na kami after 3 days o 4 days. Hanggang ngayon, walang lumalabas na resulta sa amin," sabi niya. 

Ipinagtataka pa nila kung bakit nauna pang lumabas ang resulta ng mga kasama nilang nakasabay na kumuha ng test.

Dagdag niya na nasa 30 pa silang OFW na naka-quarantine sa hotel ang naghihintay ng kanilang resulta.

"Nalalagay na kami sa isang sitwasyon na 'di na healthy sa isipan namin. Una, nag-aalala kami sa pamilya namin at ang pamilya namin nag-aalala na rin sa amin. Kung magkaroon naman po ng positive sa resulta namin, malapatan kaagad ng aksiyon hindi 'yung naghihintay kami sa wala," sabi niya.

Nangako naman si Jay Teves, officer-in-charge ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), na makikipag-coordinate sa Bureau of Quarantine at maging sa Philippine Red Cross para sa resulta ng swab test ng grupo.

"Para kung negatibo, mabigyan ng clearance at mapauwi na," sabi ni Teves.

Dagdag ni Xave na malaking kabawasan sa intindihin ng OWWA kung agad na mailalabas na ang kanilang resulta at mapauwi na sila sa kanilang mga pamilya.

"Sana naman bigyan ninyo ng attention status namin ngayon," hiling niya.

Samantala, umapela rin ng mas mahabang pasensiya si Teves sa lahat ng mga OFW na naka-quarantine at kasalukuyan pa ring naghihintay ng kanilang swab test results.

"Ginagawa po natin ang lahat para mapabilis ang ating swab testing at pagpapauwi sa inyo. Mino-monitor po natin lahat ang mga nasa hotel at cruise ship para po mabigyan na sila ng atensiyon sa pag-swab sa kanila at mailabas agad ang resulta," sabi niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.