PatrolPH

Buwaya nasagip matapos ma-trap sa fishpond sa Palawan

Diana Lat, ABS-CBN News

Posted at May 14 2020 08:13 PM

Buwaya nasagip matapos ma-trap sa fishpond sa Palawan 1
Nasagip ang buwaya matapos na ma-trap sa loob ng fishpond sa bayan ng Balabac sa Palawan. Larawan mula sa Palawan Council for Sustainable Development

BALABAC, Palawan - Nasagip ng mga awtoridad Miyerkoles ng umaga ang isang buwaya sa Barangay Melville sa bayang ito.

Mayo 8 nang i-report ni Punong Barangay Jaberon Bacar sa Balabac Special Boat Unit na nakita ang naturang buwaya sa loob ng isang fishpond na pagmamay-ari ni Santiago Sunio.

“May nakita nga raw na buwaya na nahulog doon sa fishpond. So, at that time, nag-validate na rin yung SBU kasama (yung) iba pang law enforcement agencies. Allegedly, yung buwaya raw is hinahabol niya yung prey niya kaya siya napadpad doon sa cemented fishpond,” kuwento ni Forester Jovic Fabello, tagapagsalita ng Palawan Council for Sustainable Development.

Nagsagawa naman ng verification sa lugar ang awtoridad.

“Handcuff method yung ginamit nila. Malamang, sinilo muna and then ni-restrain yung hayop. Pagkasilo iyan, ire-restrain. Tatalian yung paa. Tapos lalagyan ng tela sa mata para 'di siya ma-stress,” dagdag ni Fabello.

Ang nasagip na buwaya ay isang babaeng saltwater crocodile na may bigat na 180 kilos, may habang 6 feet, at 11 inches na lapad.

Gumawa rin ng temporary shelter para sa buwaya upang maipahinga ito, bago tuluyang ibinalik sa natural nitong tirahan.

Ikinatuwa naman ng PCSD ang tamang pag-aksyon ng mga residente sa na-trap na buwaya.

“Last April 2019 is pumunta kami sa Balabac. Gumawa kami ng action plan for crocodiles and mouse deer. At yung mga barangay captains, talagang inimbitahan namin lahat, buong Balabac, para sila mismo yung maglagay ng gagawing hakbang para mapangalagaan at maproteksyunan ang buwaya sa Balabac," sabi ni Fabello.

"This is a basic example na mukhang nagwo-work na yung aming napag-usapan, na pagka may mga ganyang mga bagay ay mag-report kaagad sa tamang ahensya and huwag magko-cause ng panic. Yung tamang information lang yung ibibigay."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.