BMPM: Bagyong Ambo, maagang nagparamdam sa Bicol at Eastern Visayas

ABS-CBN News

Posted at May 14 2020 02:21 PM | Updated as of May 14 2020 09:19 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Maagang nag-antabay ang ilang Bayan Patrollers sa Bicol Region at sa Eastern Visayas Huwebes para sa inaasahang pagbayo ng Bagyong Ambo sa mga probinsya sa lugar.

Alas-12:15 ng tanghali nang mag landfall ang unang bagyo sa Pilipinas ngayong taon sa San Policarpio, Eastern Samar.

 

Pero dalawang oras bago ito mag landfall, makikita sa video na kuha ni Bayan Patroller Justine Ramilo ang lakas na dala ng bagyo sa Barangay Garden, Arteche.

Malakas na ang ihip ng hangin at ang buhos ng ulan. Wala na ring kuryente sa lugar Huwebes ng umaga.

 

Pabugso-bugsong ulan, pero malakas na hangin ang na-videohan ni Bayan Patroller Joanna Amarra, alas-10 ng umaga sa Barangay Paypayon, Oras, Eastern Samar. Gumagamit na rin sila ng generator dahil wala na ring supply ng kuryente.

 

Sa video na kuha ni Bayan Patroller Joven Mente, kitang medyo makulimlim na rin ang kalangitan at pabugso-bugso na rin ang ulan kaya naman itinabi na ng mga mangingisda ang kani-kanilang mga bangka sa pampang na sakop ng Barangay Landusan, Capul, Northern Samar pasado alas-9 ng umaga bilang paghahanda sa bagyong Ambo. 

 

Sa Pambujan, Northern Samar, madilim na rin ang kalangitan at may mahinang mga pag-ulan sa Barangay Cababto-an, kaninang pasado alas-6 ng umaga na kita sa ibinahaging video ni Bayan Patroller Pablo Taco.

 

Patuloy namang naghahanda ang ilang residente ng Catanduanes, na isa rin sa mga inaasahang dadaanan ng bagyo. Naglagay na ng sandbag sa bubong ng kanilang bahay si Bayan Patroller Alvin Icaranom ng Barangay Macutal, Baras, Catanduanes, pasado alas-10 ng umaga. May mga pag-ambon na rin silang nararanasan at nakataas na ang Signal No. 2 sa lalawigan.

Sa kuhang videos naman ni Bayan Patroller Romeo Durmiendo, tila nagpaparamdam na ang bagyo sa isla ng Samar. Bandang alas-8 ng umaga nagsimulang bumuhos ang ulan sa East Awang, Calbayog City. 

Ayon sa patroller, halos isang oras ang itinagal ng buhos ng ulan sa kanilang lugar. Naghahanda na din para sa mas malalakas na ulan sa susunod na araw si patroller.