PDP-Laban wagi kontra Hugpong ng Pagbabago sa Davao del Norte

Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Posted at May 14 2019 07:49 PM

Nakakuha ng landslide win ang mga miyembro ng PDP-Laban sa Davao del Norte habang walang nanalong kandidato mula sa Hugpong ng Pagbabago (HNP) sa probinsiya.

Ayon kay reelectionist Davao del Norte 1st District Rep. Pantaleon Alvarez, pahiwatig daw ito na hindi naibigay nang husto ang programa at serbisyo sa probinsya ng mga natalong kalaban, lalo na ang pamilyang del Rosario na halos 4 dekada ring namuno sa Davao del Norte.

Natalo rin pagka-kongresista sa 2nd district si Antonio Floirendo na nakaaway noon ni Alvarez.

Ang PDP-Laban ay ang partido ni Pangulong Rodrigo Duterte samantalang ang HNP ay pinamumunuan ng anak niyang si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio. 

Naantala naman ang proklamasyon ng Provincial Board of Canvassers sa mga nanalong kandidato matapos kailanganing i-reconfigure ang 2 depektibong SD card na galing sa bayan ng Talaingod at Panabo City.

Sa muling pagkahalal ni Alvarez, plano niya umanong makabalik bilang House Speaker.

Pero hindi pa ma i-proklama ng Provincial Board of Canvassers ang ibang nanalong kandidato hanggang matapos ang transmittal ng election returns galing sa 2 pang bayan sa probinsiya.

Matatandaang natanggal bilang House Speaker si Alvarez noong July 2018, araw ng State of the Nation Address ng Pangulo. Sinasabing nasa likod nang kaniyang pagkatanggal si Duterte-Carpio. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.