Paggamit ng 'recyclable' campaign materials di nasusunod: environmental group

ABS-CBN News

Posted at May 14 2019 06:28 PM | Updated as of May 14 2019 10:33 PM

Tulong-tulong ang mga magbabasura sa paghahakot ng nagkalat na election materials sa Maynila, Mayo 14, 2019. Karamihan sa kalat ay mga poster at sample ballot na ipinamahagi noong botohan. Mark Demayo, ABS-CBN News

MAYNILA (UPDATE) — Hinimok ngayong Martes ng isang environmental group ang Commission on Elections (Comelec) na gumawa ng patakaran na nag-uutos sa mga kandidato na gumamit ng mga campaign material na "recyclable" o kapakipakinabang para hindi agad maitapon bilang basura.

Sa kasalukuyang panuntunan ng poll body, hinihikayat lamang ang mga kandidato na gumamit ng recyclable campaign materials pero hindi naman ito nasusunod, ayon kay EcoWaste Coalition national coordinator Aileen Lucero.

"Sana ang Comelec ay mag-issue na ng isang batas, hindi na ng isang resolusyon, na talagang sasabihin niya kung ano lang [materyales] ang puwedeng gamitin," ani Lucero.

"Hinihikayat ang mga kandidato na gumamit ng recyclable materials pero ano 'yong recyclable materials?" dagdag niya.

(

Watch more in iWant or TFC.tv

Inihalimbawa ni Lucero ang mga tarpaulin sa mga dapat i-regulate dahil nagtataglay ito ng mga nakalalasong kemikal at mapanganib sa kapaligiran.

"Hindi na ito natutunaw, ito ay nagtataglay ng mga cadmium at lead, mga toxic chemicals na puwedeng humalo sa ating karagatan, pagkain," paliwanag ni Lucero.

"Hindi maganda na papayag tayo na ito 'yong mga materyales na puwedeng gamitin but then at the end of it, namomroblema naman tayo na ito ay dadagdag sa pagiging basura ng bansa," dagdag niya.

Umabot na sa 145 tolenada o katumbas ng 80 truck ng campaign poster ang nakolekta ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Metro Manila.

"Hindi namin trabaho 'yon actually na magbaklas pero kami ho ay willing tumulong," ani MMDA spokesperson Celine Pialago.

--May ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.