Allowance, injuries ilan sa inireklamo ng mga miyembro ng electoral board

ABS-CBN News

Posted at May 14 2019 09:19 PM | Updated as of May 14 2019 10:26 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sari-saring problema sa botohan ang idinulog ng mga miyembro ng electoral board sa Department of Education (DepEd) Election Task Force.

Aabot sa higit 130,000 ulat ang natanggap ng Election Task Force sa pamamagitan ng mga tawag o text sa kanilang mga hotline at app.

May mga gurong nagreklamo tungkol sa hindi pa natatanggap na honoraria at transportation allowance, mga nagtamo ng injury o nakaranas ng harassment dahil sa mga gulo sa kasagsagan ng botohan, at may mga ulat din ukol sa mga nasirang school facilities.

Inireklamo rin ng mga guro ang mga pumalyang vote counting machine (VCM), isyu sa transmission, final testing at sealing issues, at mga problema sa marking pen.

Nilinaw ng DepEd na kailangan pang i-verify o suriin ang mga ulat kung tama ang mga impormasyon.

Titingnan din ng DepEd kung ano ang mga puwedeng maging aksyon sa problema ng mga electoral board member.

Nakahanda ang regional at division task force ng DepEd para tulungan ang mga biktima na maghain ng reklamo dahil bibigyan din sila ng libreng legal assistance.

"Mag-file sila ng complaint against the people... they can also ask for legal assistance, ito po ay libre," ani Marcelo Bragado ng DepEd Election Task Force Operations.

Binigyan naman ng bagsak na grado ng grupo ng mga guro ang Commission on Elections (Comelec) dahil sa umano ay kapalpakan nito na naging pahirap sa mga guro gaya ng pagkasira ng ilang VCM.

"Nagresulta ito sa pagkakagulo, pagkainis ng mga botante sa ating mga teacher," ani Joselyn Martinez ng Alliance of Concerned Teachers.

Nanawagan din ang grupo sa Comelec na ibigay agad ang honoraria sa mga guro at huwag nang patagalin pa ng 2 linggo.

--Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.