1 patay, 9 sugatan sa Lanao Del Sur sa araw ng halalan

Ron Gagalac, ABS-CBN News

Posted at May 14 2019 02:57 PM | Updated as of May 14 2019 07:16 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isang tao ang nasawi habang 9 ang nasugatan sa serye ng mga insidente ng karahasan sa lalawigan ng Lanao del Sur noong Lunes, araw ng halalan, ayon sa militar.

Ayon sa ulat ng 103rd Infantry Brigade ng Philippine Army, isa ang nasawi sa barilan sa bayan ng Lumbatan.

Pero ayon sa militar, clan war o away-pamilya ang ikinasawi ng biktima at hindi dahil sa politika o halalan.

Pitong sibilyan, kasama ang 4 bata, ang nasugatan sa barilang nangyari sa bayan ng Ganassi noong hapon ng Lunes.

Ang barilan ay sa pagitan ng mga puwersa ng magkatunggaling mga kandidato, ayon sa mga awtoridad.

Tinamaan umano ng bala sa baga ang isa sa mga bata, sa internal organs ang 2 habang iyong isa ay nagtamo ng tama sa ulo.

Nasugatan din ang suspek sa pagsabog sa Marantao, ayon kay Col. Brawner, commander ng 103rd Infantry Brigade.

Ayon kay Brawner, iginiit ng nasabing suspek at ng isa nitong kasamahan na mga miyembro sila ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Pero lumabas daw sa paunang imbestigasyon ng militar na walang kaalam-alam ang mga pinuno ng MILF sa pagsabog.

"Hindi sila inutusan ng MILF, they are not given by the hierarchies na gawin ito. These two are acting on their own," ani Brawner.

Isa rin ang nasugatan sa insidente ng pamamaril sa bayan ng Tubaran.

Para kay Brawner, mapayapa pa rin ang naging daloy ng halalan sa lalawigan sa kabila ng mga insidente ng karahasan.

"Because if we compare to previous elections, napakababa ng election-related violence ngayon," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.