Umano'y 'flying voters,' nagdulot ng tensyon sa Pasay

ABS-CBN News

Posted at May 14 2018 03:54 PM | Updated as of May 14 2018 04:41 PM

MANILA - Nagkainitan ang poll watchers ng 2 tumatakbong kapitan ng Barangay 97 sa Pasay ngayong Lunes dahil sa pagkakaroon umano ng flying voters sa lugar. 

Giit ng kampo ng kandidatong si Baby So, nasa 200 flying voter umano ang nagdeklara ng iisang address kaya pinigilan nilang makaboto ang ilan sa mga ito sa precinct 569 sa Padre Zamora Elementary School. 

Ikinagalit naman ng kampo ng nakaupong chairman na si Jose Ang ang alegasyon. 

Nagreklamo rin ang ilang botante na siniko at hinila umano sila para hindi makaboto kahit na walang pruweba ang alegasyong flying voters sila, ayon kay Obet Magraru, coordinator ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting. 

Panandaliang tumigil ang botohan sa paaralan sa gitna ng pagtatalo ng 2 kampo. 

Sa ilalim ng Commission on Election rules, ang sinumang nag-aakusa sa mga umano'y flying voter ay kailangang magsumbong sa Board of Election Inspectors (BEI) at humingi ng "challenge form." 

Gayunman, papayagan pa ring bumoto ang inaakusahang flying voter basta't kasali sa master list ng mga botante sa lugar at may naipakitang ID.

Nasa 21,000 voters mula sa 30 barangay ang boboto sa Padre Zamora Elementary School. Mula sa kabuuan, tinatayang 15,000 ang inaakusahang flying voters mula sa magkabilang kampo. 

Tumanggi namang magpaunlak ng interview ang mga watcher sa kampo ng 2 tumatakbong kapitan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.