TINGNAN: Sample ballots, flyers ipinamimigay kahit bawal

ABS-CBN News

Posted at May 14 2018 11:44 AM

MAYNILA - Kahit ipinagbabawal, marami pa ring sample ballots at flyers na may pangalan ng mga kandidato ang nagkalat sa ilang presinto ngayong Lunes, barangay elections.

Sa bayan ng Obando sa Bulacan, ilang kabataan ang namimigay ng sample ballots at mga flyer sa mga kalye na may ilang metro ang layo mula sa voting center sa Panghulo Elementary School.

Kabataan rin ang namataang namimigay ng sample ballots sa Barangay Sta. Cruz, Antipolo. Paliwanag nila, utos umano ito ng asawa ng tumatakbong kapitan.

Bukod sa flyers, may pakain din ng lugaw sa covered court sa naturang barangay. Sabi ng mga senior citizen doon, pinapipirma umano sila sa isang papel bago bumoto.

May mga sample ballot ring ipinamimigay sa mga nakapila sa labas ng President Corazon Aquino Elementary School sa Quezon City, gayundin sa Western Bicutan sa Taguig ngayong araw.

Kumakalat ang ilang sample ballot na may pangalan ng mga kandidato sa labas ng President Corazon Aquino Elementary School sa Quezon City. Mark Demayo, ABS-CBN News

Ayon sa Comelec, ipinagbabawal ang pamimigay ng sample ballots na may pangalan ng kandidato sa araw ng halalan dahil makukunsidera pa rin itong pangangampanya.

--kasama ang mga ulat nina Zhander Cayabyab, Anjo Bagaoisan, Kevin Manalo, Jekki Pascual, Jeck Batallones, at Mark Demayo, ABS-CBN News

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.