Pangalan ng 2 kandidato sa Bukidnon, hindi naisama sa listahan ng Comelec

Joey Taguba Yecyec, ABS-CBN News

Posted at May 14 2018 08:17 PM

MALAYBALAY CITY, Bukidnon - Umalma ang dalawang kandidato sa pagka-barangay kagawad sa Barangay Laguitas dito matapos hindi maisama ang mga pangalan nila sa listahan ng mga opisyal na kumandidato para sa barangay election.

Ayon sa principal ng Laguitas Elementary School na si Maria Ella Rabino, magdadalawang oras na nang mapansin ng isang botante na wala sa Certified List of Candidates mula Commission on Elections (Comelec) ang pangalan nina Ermie Timario at Raul Wenceslao.

Sina Ermie Timario at Raul Wenceslao, mga kumanditong barangay kagawad sa Barangay Laguitas, Malaybalay City na wala ang pangalan sa listahan ng mga opisyal na kandidato. Composite

Dito na rin nalaman ng mga electoral board sa limang presinto ng naturang polling center ang maling pagkakaimprenta ng listahan kaya ipinatigil muna nila ang botohan para ipaalam ang reklamo sa city Comelec office.

Ayon kay Malaybalay City Comelec Officer Chubasco Cenen Caiña, hindi sinadya ang maling pagimprenta sa listahan. Paliwanag nito na mula sa PDF file ang listahan ng mga kumandidato at hindi nila nakopya ang pangalan nila Timario at Wenceslao nang ilipat nila ito sa Excel file bago naimprenta.

Agad namang nag-imprenta ng bagong listahan at itinuloy ang bohotan sa barangay.

Pero para kina Timario at Wenceslao, dehado sila sa nagawang pagkakamali ng Comelec at marami na ang nakaboto bago naitama ang mali sa listahan.

Posibleng maghain ng reklamo sa Comelec ang dalawang kandidato pagkatapos ng halalan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.