Mga politikong 'nakialam' sa barangay election, balak kasuhan ng DILG

ABS-CBN News

Posted at May 14 2018 09:36 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Balak kasuhan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga kongresista at lokal na opisyal na hayagang nakialam sa nakalipas na barangay elections.

Ito ay matapos makatanggap ang ahensiya ng mga ulat hinggil sa umano'y pagbili ng boto ng mga nakaupong opisyal, ayon kay DILG Undersecretary Martin Diño.

Paliwanag ni Diño, nais ng mga politiko na maluklok ang kanilang mga manok sa barangay bilang paghahanda sa halalan sa susunod na taon. 

"Siyempre in preparation for 2019 election. [Kapag] na-control nila, ang mga kapitan nila ang nanalo, siyempre kontrolado nila ang eleksiyon ng barangay," sabi sa panayam ni Diño.

Sa simula raw ay pakikiusapan ng mga politika ang mga botante para iboto ang kanilang manok.

Kung ayaw sa kandidato ay aalukin ang mga ito ng pera at kapag tumanggi pa ay harassment o tatakutin na ang mga botante.

"Imagine, bibili ka ng boto that much, ranging from P500, P1,000, P2,000. Now, P3,000? Just to ensure na manalo ka na maging barangay captain," ani Diño.

Sa listahan ng DILG, nasa 100 kongresista, higit 1,000 local government official, at libo-libong incumbent barangay official ang sangkot sa vote-buying.

Palagay ni Diño ay may bumili rin ng boto na kasamahan nila ni Pangulong Rodrigo Duterte sa partidong Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban).

Iginiit niyang hindi siya natatakot na panagutin kahit kapartido.

Iniimbestigahan naman ng Commission on Elections (Comelec) ang mga reklamong vote-buying at iba pang paglabag sa Omnibus Election Code.

Ayon kay Mon Casiple ng Institute for Political and Electoral Reforms, masyado nang napulitika ang barangay elections.

"Ang basic proposal is alisin na 'yon. Ibalik sa munisipyo level o kaya city level ang pagiging basic unit ng government. Ibalik mo 'yong local autonomy character ng barangay," sabi ni Casiple.

Una nang umapela si Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas na respetuhin ang barangay elections.

"Huwag ding pagagamit ang ating barangay officials sa mga politiko, kasi 'di sila politiko eh," ani Villegas.

-- Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.