Mga botante sa Boracay, maagang dumayo sa mga presinto

ABS-CBN News

Posted at May 14 2018 09:46 AM

Maaga pa lang ay mahaba na ang pila ng mga residente ng Boracay na nais makaboto ngayong halalan. Kuha ni Nony Basco, ABS-CBN News

Sa kabila ng naging pagpapasara sa Boracay, tila sabik ang mga residente ng isla na makapaghalal ng bagong pinuno ngayong barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections.

Nagsimula nang humaba ang pila ng mga botante sa Manoc-Manoc Elementary School para makaboto.

Alas-5 pa lang ng umaga ay may ilang botante nang dumating sa voting precinct halos kasabay ang mga miyembro ng electoral board.

Kaagad na tumungo sa kani-kanilang mga clustered precinct ang mga botante at naghihintay na lamang ng hudyat na magsisimula na ang botohan.

Ang Manoc-Manoc Elementary School ang pinakamalaking voting precinct sa bayan ng Malay at lalawigan ng Aklan. Kuha ni Nony Basco, ABS-CBN News

Umaabot sa mahigit 11,000 ang registered voters sa Manoc-Manoc na siyang pinakamalaking voting precinct sa bayan ng Malay at lalawigan ng Aklan.

Nananatiling tahimik ang Boracay hanggang ngayong araw ng halalan.

Wala pang naitatalang election-related violent incident ang Philippine National Police (PNP) at Commission on Elections (Comelec).

Bagama't may mga ulat silang natatanggap ukol sa mga harassment at vote-buying, nagnenegatibo naman ang mga impormasyon matapos beripikahin ng Comelec.

Alas-5 pa lang ng umaga ay may ilang botante nang dumating sa voting precinct halos kasabay ang mga miyembro ng electoral board. Kuha ni Nony Basco, ABS-CBN News

Nakabantay pa rin sa isla ang mga pulis at sundalo na kasama sa deployment noong isinara ang Boracay.

Kampante ang Comelec na matatapos ang botohan na tahimik dahil sa karagdagang seguridad na ipinapatupad ng PNP at militar.

--Ulat ni Nony Basco, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.