Kandidatong kapitan, mga ka-partido, pinagbintangan ng vote-buying

ABS-CBN News

Posted at May 14 2018 09:27 AM

Inirereklamo ng vote-buying ang isang tumatakbong kapitan at ang kaniyang partido sa isang barangay sa Quezon City.

Hawak pa ni alyas "Joel" ang kaniyang natanggap na sobre mula sa isang alyas "Pusit" pasado alas-8 ng gabi Linggo, laman ang P500 kapalit umano ng kaniyang boto.

Sa labas ng sobre ay nakalagay ang mga pangalan ng isang tumatakbong kapitan pati ng kaniyang mga kagawad.

"Nakabalot po ito ng yellow na papel tapos nakalagay po pangalan ni Ric Corro tapos pati po 'yung mga kagawad niya. Sa kaba ko po, naitapon ko 'yung yellow na papel," ani Joel.

Kuwento niya, nakaupo lang siya sa labas ng bahay nang bigla siyang niyaya ni Pusit at sinabing may magbibigay sa kaniya ng pera.

Pagdating sa lokasyon, tumambad sa kaniya ang pagkahaba-habang pila ng mga tao na nagsasabing iboto ang mga naturang politiko.

Doon na rin inabot sa kanila ang sobre na naglalaman ng P500.

"Sabi po iboto namin straight ['yung nasa papel]," ayon kay Joel.

Matagal na umano niyang naririnig ang ganitong kalakaran sa kanilang barangay pero pinili niyang magkaroon siya ng malinaw na ebidensiya bago siya mag salita.

Hindi nagpaunlak ng panayam ang inirereklamong si Corro pero nagsalita ang kapitang si Ding Flores para ipagtanggol ang kaniyang partido.

Aniya, walang katotohanan ito dahil magkakasama sila hanggang hatinggabi ng Lunes.

Ang pilang sinasabi ni Joel, pila raw ng mga watcher na binigyan nila ng brown envelope na may lamang ID, tally record at iba pang kagamitan para sa eleksiyon.

--Ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.