Gulo sa halalan, naitala sa Mindanao kahit may batas militar

ABS-CBN News

Posted at May 14 2018 09:33 PM

Mga sundalo na ang naghatid ng ilang ballot box sa Barangay Madia, Datu Saudi-Ampatuan. Lore Mae Andong, ABS-CBN News

Naitala ang ilang insidente ng karahasan sa ilang lugar sa Mindanao kasabay ng barangay at Sangguniang Kabataan elections, sa kabila ng umiiral na batas militar sa rehiyon.

Watch more in iWant or TFC.tv

Kasagsagan ng botohan sa Barangay Kabingi sa Datu Saudi Ampatuan sa Maguindanao nang magkaputukan.

Nagtakbuhan ang mga tao kasabay ang mistulang pag-ulan ng mga bato.

May mga kumuha pa ng pamalo.

Sinubukang pigilan ng mga sundalo ang mga nagkakagulo pero nang hindi magpaawat, nag-warning shot na ang militar.

Maya-maya pa, bitbit na ng lalaki ang isang babaeng nasugatan sa kasagsagan ng batuhan.

Bago ang gulo, may nabaril na tagasuporta ng magkaaway na kandidato sa pagka-barangay chairman.

Pero tumangging magbigay ng pahayag ang magkabilang panig.

Muntik namang hindi matuloy ang halalan sa karatig na barangay ng Madia.

Pinigilan kasi ng mga tagasuporta ng isang kandidato ang paghahatid ng mga guro ng ballot boxes sa polling center.

Nakuha ng mga babae ang ballot box at niyakap kahit pilit kinukuha ng mga sundalo. 

Sa bandang huli, naibalik din ang mga ballot box.

Tangke na ang nag-escort para maihatid ito sa polling center.

Pinalibutan din ng tangke ang paaralan.

Niyanig naman ng pagsabog ang bakod ng municipal hall sa bayan ng Datu Unsay.

Tingin ng mga residente, pananakot lang iyon sa mga botante.

Nakabantay din ang mga tangke sa Rajamuda Elementary School sa Pikit, North Cotabato kung saan grupo-grupo o by batch ang pagpasok ng mga botante para maiwasan ang gitgitan.

Mga pulis na rin ang nagsilbing electoral board para matiyak ang kaayusan sa botohan.

Sa Davao City, inilabas ang tinaguriang historical chair na inupuan ni Pangulong Duterte noong Halalan 2016.

Gayunman, hindi nakaboto ang pangulo.

-- Ulat ni Lore Mae Andong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.