'Flying voters,' bilihan ng boto, girian, inireklamo sa halalan

ABS-CBN News

Posted at May 14 2018 11:58 PM

• PNP itinuturing na matiwasay ang botohan
• Ilang 'overaged' kandidato ng SK, 'di pauupuin sa puwesto'
• Magtiyahing magkaribal, nagkainitan sa Maharlika village

Watch more in iWant or TFC.tv

Kaliwa't kanang insidente ng vote buying o bilihan ng boto, flying voters, at umano'y harassment sa mga kandidato ang naitala sa maraming lugar kasunod ng barangay at Sangguniang Kabataan elections.

Sa Pasay City, natigil sandali ang botohan sa Precinct 569 sa Padre Zamora Elementary School bago mag-ala-una ng hapon kanina.

Nagkainitan ang mga poll watcher ng magkalaban sa pagka-barangay chairman dahil may dumating umanong "flying voters."

Ayon naman kay Obet Magraru, coordinator ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), may mga natanggap silang reklamo ng paniniko at panghihila sa mga botante para hindi sila makaboto.

Sa Batangas National High School, nagkaakusahan din ng flying voters ang magkakalaban.

Bukod sa flying voters, marami ring nagreklamo tungkol sa mahahabang pila, nawawalang pangalan, mga presintong hindi nagbukas nang maaga at mga sample ballot na hindi dapat ipamigay.

Mayroon ding mga hindi nakaboto dahil may bumoto na gamit ang kanilang pangalan.

Ikinagulat ni Norieta Cañete na mayroon nang nakapirma sa kaniyang pangalan sa voter's list kahit hindi pa siya nakakaboto.

Pero ang pinakamaraming report na natanggap ng Philippine National Police (PNP), Department of the Interior and Local Government (DILG), at Commission on Elections (Comelec) ay ang sandamakmak na bilihan ng boto o vote buying.

Sa Quezon at Laguna, walo na ang naaresto ng PNP dahil sa vote buying. 

Sa Upper Bicutan sa Taguig, nahuli din ang isang lalaking umano'y namimili ng boto sa halagang P1,000 kada botante.

Depensa ng naaresto, pang-load lang daw ang kaniyang ibinibigay.

Sa Mandaluyong, apat na botante rin ang lumapit sa pulisya dahil may nagpupumilit daw mag-abot sa kanila ng P300 sa Old Zañiga polling precinct.

Ayon sa isa sa mga nagreklamo, pagpasok niya sa voting precinct ay inabutan siya ng tubig na may kasamang sobre.

Dagdag pa ng isang nagreklamo, nakatanggap din siya ng sobreng may lamang perang "pang-almusal" daw.

Pero paliwanag ng Comelec at DILG, walang mangyayari sa mga report ng vote buying kung walang magsasampa ng reklamo.

May mga natanggap ding report ang Comelec ng matinding harassment sa mga kandidato sa Regions 6, 7, at 8.

"Pipilitin ng armed group na mag-withdraw ang mga kandidato, [that] should be included as election offenses," ani Rowena Guanzon, Comelec commissioner.

MAGTIYAHIN, MAGKARIBAL SA HALALAN

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa Taguig City, nagkainitan sa Maharlika village ang magtiyahing magkaribal sa pagka-chairman.

Nagtutunggali para sa puwesto sina incumbent Chairwoman Bai Sitti Pangandaman at ang pamangking si Harry Pautin.

Duguan ang mukha ni Ismael Ibrahim, supporter ni Pangandaman matapos gulpihin umano nina Rasti Dumaray at Khalid Macalin na supporters ni Pautin.

Itinanggi naman ng abogado ni Pautin na si Atty. Abdul Basar na sa kanilang kampo ang mga inarestong nanuntok umano sa loob ng eskuwelahan.

Giit pa ni Basar, ang kampo ng kapitana ang nagsimula ng gulo.

Samantala, nagkagirian din sa Araullo High School sa Maynila nang kuwestiyonin ng isang poll watcher ang Board of Election tellers dahil sa isang botante na flying voter umano.

Napawi lang ang tensiyon nang mamagitan na ang mga pulis at hinayaang makaboto ang botante dahil nasa listahan siya ng mga botante.

'OVERAGED' NA MGA KANDIDATO 

Ayon sa Comelec, posibleng may mga kandidatong nanalo na hindi makakaupo sa puwesto. 

Nasa 1,000 kandidato na ang kinansela na ng Comelec ang certificate of candidacy dahil may nakitang mga paglabag sa election code.

"Huwag po silang magulat nag-suspend kami ng mga taong baka ma-proclaim mamaya na SK dahil kung overaged ka, di ka namin papaupuin," ani Al Parreño, acting Comelec chairman.

Sakali namang manalo ang isang kandidato na nasa narco-list ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), makakaupo pa rin siya sa puwesto ayon sa Comelec habang wala pang pinal na desisyon ang Korte na sila'y may kinalaman sa ilegal na droga.

Sa ngayon, may naitala ang PNP na 33 na namatay, 13 na kumpirmadong dahil sa labanan sa pulitika at 19 na sugatan.

Pero sa kabila nito, sa kabuuan ay itinuturing na naging payapa at matiwasay ang araw ng halalan.

"Wala po tayong natatanggap na report of any untoward incident in all our polling centers," ani PNP chief Director General Oscar Albayalde.

-- Ulat nina Ron Gagalac, Adrian Ayalin, at Ferdie Dugay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.