18 guro nag-walkout sa Datu Saudi-Ampatuan

ABS-CBN News

Posted at May 14 2018 12:21 PM | Updated as of May 14 2018 02:45 PM

Photo by Lore Mae Andong, ABS-CBN News

MAYNILA - Nag-walkout umano ang 18 guro na dapat sana ay magsisilbing electoral board sa Barangay Maiya, Datu Saudi-Ampatuan sa Maguindanao.

Ayon sa election officer ng bayan, papasok na sana sa polling center ang mga guro, bitbit ang ballot boxes, nang pigilan sila ng mga tagasuporta ng ilang kandidato sa barangay.

Nagkaroon pa umano ng komosyon nitong umaga kung saan nagkahabulan at nagkaagawan ng ballot boxes ang mga guro at ang ilang mga tagasuporta ng mga kandidato.

Nabawi naman ng pulisya ang mga ballot box at dinala sa munisipyo. Hiniling naman ng mga guro na palitan na lamang sila ng mga pulis.

Bandang alas-10:30 ng umaga, nagpadala na sa Barangay Madia ng mga pulis ang lokal na pamahalaan para pumalit sa mga guro at matuloy lamang ang eleksiyon.

Tuloy-tuloy na ngayon ang halalan sa naturang barangay pero todo-bantay ang militar at ilang miyembro ng pulisya. --ulat ni Lore Mae Andong, ABS-CBN News