110-anyos bumoto sa Cotabato sa kabila ng pagpapasabog

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at May 14 2018 12:15 PM

MIDSAYAP, North Cotabato - Lumahok sa barangay at Sangguniang Kabataan elections ang isang 110-anyos na residente ng bayan na ito, Lunes, sa kabila ng pagsabog ng isang bomba kamakailan sa kaniyang voting precinct.

Sumabog sa harap ng Datu Dimaudtang Dilangalen Elementary School sa Barangay Tugal nitong Biyernes ang bomba, na ayon sa ilang saksi ay itinanim ng miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.

Bagama't natatakot dahil sa naturang insidente, isa ang centenarian na si Salumayag Calunsing sa mga unang dumating sa paaralan ngayong Lunes para bumoto.

Kuwento ni Calunsing sa ABS-CBN News, nais niyang maging mapayapa ang kanilang lugar kaya kahit nahihirapan ay nakiisa pa rin siya sa halalan.

Inalalayan siya ng kaniyang apo hanggang sa makaboto.

Bantay-sarado naman ng mga pulis at militar ang mga gurong nagsislbing electoral board.

Mayroong 979,480 na botante sa 17 bayan at isang lungsod sa North Cotabato.

Itinuturing na "areas of concern" ang 184 na barangay ng lalawigan, ayon sa pulisya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.