Sapul sa CCTV: Lolo, na-hit-and-run

ABS-CBN News

Posted at May 14 2017 07:23 PM

Patay ang isang lolo matapos ma-hit and run ng motorsiklo habang tumatawid sa Rizal Avenue, Caloocan City, madaling araw nitong Miyerkoles.

Kinilala ang biktima na si Buenaventura Salonga, 66 anyos. 

Sapul sa CCTV ang insidente. Tumama pa sa poste ang motor pero nakatayo rin agad ang rider at saka tumakas nang magsidatingan na ang taumbayan.

Nagtamo ng mga sugat sa ulo, tagiliran at hita si Salonga. Naitakbo pa siya sa ospital ngunit binawian ng buhay kalaunan. 

Panawagan ng anak ng biktima, sana sumuko na ang nakabanggang rider at panagutan ang nangyari sa ama.

Kahit may kuha sa CCTV, hindi pa rin matukoy ang suspek na rider dahil may suot siyang helmet. Hiling ngayon ng pamilya ng biktima na sana'y makipag-ugnayan sa kanila ang mga nakakita sa insidente.

Ayon sa pamunuan ng Barangay, madalas maaksidente ang mga tumatawid sa Rizal Avenue dahil sa mabilis na takbo ng mga motorista lalo na kung gabi o madaling araw.

Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.