Reporter nabiktima ng 'basag-kotse' sa QC

ABS-CBN News

Posted at May 14 2017 09:04 AM | Updated as of May 14 2017 11:39 AM

Inatake ng mga miyembro ng "Basag-kotse gang" ang sasakyang ito ng isang mamamahayag

MAYNILA - Isang mamamahayag ang nabiktima ng "Basag-kotse gang" sa Kamuning Road sa Quezon City Sabado ng gabi.

Kuwento ng biktimang si Steve Dailisan, pinarada niya ang kanyang Mitsubishi Montero sa tapat ng Dr. Jesus Delgado Memorial Hospital pasado alas-9 ng gabi dahil may dadalawin siya doon.

Pero wala pang 30 minuto, tinawag na umano siya ng guwardiya ng ospital dahil napansin nitong basag na ang salamin ng kanyang sasakyan.

Kabilang sa natangay ng mga suspek ang isang bag na may lamang laptop, isang gym bag, hard drive at iba pang gadgets, at pera.

Tinatayang aabot sa mahigit P200,000 ang halaga ng mga gamit na natangay mula sa biktima.

Kuwento naman ng isang nakakita, 2 lalaking nakasakay umano sa motorsiklo ang umatake sa sasakyan ng mamamahayag.

Nagsasagawa na ng follow-up operation ang mga pulis laban sa mga suspek. -- Ulat ni Ron Lopez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.