Pangongotong ng umano'y LTFRB agents, inireklamo ng Uber driver

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at May 14 2017 11:41 AM

MANILA - Inireklamo ng isang driver ng ride-sharing company na Uber ang umano'y pangingikil sa kanya ng dalawang lalaking nagpakilala bilang mga ahente ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Sabado.

Sa sumbong ni Jayson de Guzman sa pulisya, sinabi niyang nagpasundo sa kanya ang isang "Ryan" sa kanto ng EDSA at L. Wood Street sa Barangay 144, Pasay.

Pagdating sa lugar, sumakay anya ang dalawang lalaking nagpakilalang taga-LTFRB at humingi kay Guzman ng P10,000 dahil sa paglabag sa batas-trapiko.

Kuwento ng driver, kinuha rin ng mga suspek ang kanyang cellphone bago bumaba sa Taft Avenue.

Patuloy aniya siyang kino-contact ng dalawa at pinipilit na magpadala ng karagdagang P10,000 sa remittance center.

Nahihirapan ang mga imbestigador na mahuli ang mga suspek dahil disconnected na ang kanilang cellphone number na ginamit nila sa pag-book ng Uber ride.

Hindi rin anila gumagana ang CCTV camera sa lugar kung saan sila sumakay sa kotse ni Guzman.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.