Gobyerno, 'di malulugi sa pagpapahaba ng bisa ng passport - Villar

ABS-CBN News

Posted at May 14 2017 02:43 PM

MANILA - Tiniyak ni Senador Cythia Villar ngayong Linggo na hindi malulugi ang gobyerno oras na maipasa ang panukalang batas na magpapahaba sa bisa ng mga pasaporte sa 10 taon mula sa kasalukuyang limang taon.

Sa panayam ng DZMM, ipinaliwanag ni Villar na P4 bilyon ang kinikita ng pamahalaan kada taon mula sa mga passport application.

Higit aniyang mas malaki rito ang $50 bilyon na remittances ng mga overseas Filipino workers at iba pang Pilipinong gumagamit ng pasaporte.

"Dapat nating isipin hindi lang iyung income ng gobyerno kasi iyung ating OFWs na kumukuha ng passports, ang laki-laki rin naman ng contribution nila sa ating ekonomiya," ani Villar

"They remit $25 billion every year in formal remittance and another $25 billion sa informal remittance kaya bawing-bawi naman po tayo."

Dagdag ni Villar, tumataas ng 30 porsyento kada taon ang bilang ng mga kumukuha ng passport kaya mababawi rito ang anumang kita na mawawala sa pagpapahaba ng passport validity.

Naipasa na sa ikalawang pagbasa nitong Lunes ang Senate Bill 1365 na nagpapahaba sa bisa ng mga pasaporte. Idaraos ang ikatlo at huling pagbasa sa panukala ngayong linggo.

Una nang nakapasa sa House of Representatives ang isang kahalintulad na panukala nitong Pebrero.

DZMM TeleRadyo, 14 Mayo 2017