70 pamilya, nawalan ng bahay sa sunog sa Tondo

ABS-CBN News

Posted at May 14 2017 05:17 PM | Updated as of May 14 2017 09:41 PM


Kinukuha ng mga nasunugan sa Baseco, Maynila ang mga gamit na posible pa nilang pakinabangan. Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

MAYNILA -- Nawalan ng tirahan ang 70 pamilya matapos sumiklab ang isang sunog sa residential area sa Baseco Compound sa Tondo nitong Linggo ng hapon.

Umabot ng mahigit 30 barung-barong ang natupok ng apoy dahil sa dikit-dikit at yari sa kahoy ang mga ito.

Nakunan pa ni Bayan Patroller Kevin Gierza Torreto ang naturang sunog. 

Ayon sa Bureau of Fire Protection sa Maynila, unang naiulat ang apoy bandang alas-dos ng hapon at mabilis itinaas sa ikalimang alarma.

Bandang alas-tres ng hapon naman idineklarang under control ang sunog na kasalukuyan pa ring inaapula ng mga awtoridad.

Ani Chief Insp. Marvin Carbonel, hepe ng operations ng Manila Fire Department, hinihinalang naiwang appliance o sa nagliyab na electrical wiring ang sanhi ng apoy. 

Nahirapan ang mga bumberong pasukin ang lugar dahil masikip ang kalye patungo sa lugar ng sunog.

Wala namang naiulat na nasaktan o namatay sa insidente. 

Dadalhin naman sa Baseco evacuation center ang mga biktima ng sunog. -- ulat ni Zhander Cayabyab, DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.