2 bangkay natagpuan sa loob ng sasakyan sa Bulacan

ABS-CBN News

Posted at May 14 2017 01:49 PM

MAYNILA - Dalawang bangkay ang natagpuan sa loob ng isang itim na sasakyan sa bahagi ng Quirino Highway, San Jose Del Monte, Bulacan Linggo ng umaga.

Wala pang pagkakakilanlan ang dalawang bangkay -- isang babae at isang lalaki -- na pawang nakaposas at tadtad ng tama ng bala sa katawan nang sila ay matagpuan.

Tinatayang nasa edad 20 hanggang 25 ang babae na nakasuot ng itim na pantaas at shorts. Nasa edad 30 pataas naman ang lalaki na kalbo, naka-orange na pantaas at shorts.

Bukod sa dalawang bangkay, narekober din sa sasakyan ang isang sachet ng hinihinalang shabu at isang listahang may nakalagay na "Mga Pulis na Tulak."

Ayon kay Supt. Fitz Macariola, hepe ng San Jose del Monte police, iimbestigahan nila ang mga pangalan sa listahan.

Aalamin din nila kung miyembro ng sindikato ang dalawa o sindikato ang nasa likod ng pamamasalang sa kanila.

Gusto rin nilang matiyak kung sa San Juan Del Monte ba o sa ibang lugar pinaslang ang dalawa.

Samantala, napuna rin ng mga awtoridad na bagaman tadtad ng bala ang mga bangkay, wala namang tama sa labas ang sasakyan na isang itim na RAV-4.

Unang nakita ng isang guwardiya malapit sa lugar ang sasakyang magdamag hindi umalis sa bahaging iyon ng Quirino Highway. Kinaumagahan na naiulat sa pulisya ang tungkol dito. -- ulat mula kay Jeff Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.