PatrolPH

1 patay, 9 sugatan sa riot sa Quezon City Jail

ABS-CBN News

Posted at May 13 2022 10:19 PM | Updated as of May 14 2022 12:16 AM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA (UPDATED)—Nabulabog ang Quezon City Jail nang bigla na lang nagkagulo ang mga inmate Biyernes ng hapon, kung saan isang bilanggo ang namatay at siyam ang nasugatan. 

Ayon sa hepe ng BJMP NCR regional community relations na si J/Sr. Insp. Midzfar Omar, ang riot ay sa pagitan ng mga grupong Bahala Na Gang, Batang City Jail, at Sputnik.

Nabigyan ng paunang lunas ang mga nasugatan atsaka dinala sa ospital.

Sa video na ibinahagi sa ABS-CBN News, kita ang mga nagkalat na balde, kahoy, upuan, mga bakal at sari-saring gamit sa gitna ng jail facility.

Ani Omar, tumagal ng 4 hanggang 5 minuto ang riot bago mag-warning shot ang mga jail guard.

May mga sumpak umano sa loob ng kulungan at isa iyon sa mga ginamit ng nag-away ng mga grupo. 

Nilinaw ni Omar na ginawa na lang sa loob ng kulungan ang mga improvised weapon at hindi galing sa labas.

Iniimbestigahan ng pulisya ang insidente at nagdagdag ng mga bantay sa bilangguan mula sa BJMP Special Response Unit at QCPD. 

Inilagay na rin ng BJMP ang QC Jail sa hightened alert para matiyak na hindi na mauulit ang insidente.

Dapat managot ang mga nagsimula ng insidente, ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte.

“Kailangang maparusahan ang mga nagpabaya sa kanilang tungkulin kung mayroon man, upang hindi na maulit pa ang ganitong klaseng insidente sa ating mga pasilidad,” aniya.

Isasailalim sa disciplinary action ang mga sangkot sa gulo at nagsasagawa na sila ng search operation para makuha ang mga kontrabado sa loob ng piitan.—Ulat ni Wheng Hidalgo, ABS-CBN News

KAUGNAY NA ULAT

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.