Tsuper sa Davao nag-alok ng libreng sakay sa araw ng kaarawan

ABS-CBN News

Posted at May 13 2021 11:46 AM

Pinarangalan ang jeepney driver na si Lloyd Salarzon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa pagbibigay ng libreng sakay sa mga pasahero noong araw ng kaniyang kaarawan. Larawan mula sa LTFRB-XI

Pinarangalan ang isang jeepney driver matapos na mag alok ng libreng sakay sa araw ng kaniyang kaarawan sa Davao City.

Ito ay matapos na mag viral ang ibinahaging larawan ni Jeans Ranario sa social media nitong Mayo 4 kung saan nagpapasalamat siya sa driver na si Lloyd Salarzon dahil sa alok nitong libreng sakay.

Nakapaskil sa jeep ni Salarzon ang papel na may nakasulat na, "Free Ride, Birthday ng Driver."

Umani ng mahigit 6,000 reactions at 1,800 shares ang post ni Ranario.

Dahil dito, pinarangalan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board Davao Region si Salarzon nitong Lunes dahil sa kabutihan nito sa pagtulong sa kanyang mga pasahero sa kaarawan nito.

Binigyan si Salarzon ng certificate of commendation ng LTFRB-XI at token mula sa Dumper Partylist.

Ayon kay LTFRB XI director Nonito Llanos III, malayo ang mararating ng kabutihan ni Salarzon at tiyak na ipinagmamalaki ito ng kaniyang pamilya.

- Ulat ni Hernel Tocmo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.