Pagkasawi ng isang senior matapos mapabakunahan sa CDO iniimbestigahan

ABS-CBN News

Posted at May 13 2021 02:01 AM

Iniimbestigahan ng ng lokal na pamahalaan ng Cagayan de Oro at Department of Health (DOH) Region 10 ang pagkamatay ng isang senior citizen na nagpabakuna Miyerkoles ng umaga.

Isang 73 taong gulang na lalaki ang nasawi. 

Dumaan daw siya sa interview at check-up bago nabakunahan sa kanyang first dose ng AstraZeneca COVID-19 vaccine sa isang mall.

Ayon kay Dr. William Bernardo ng logistics cluster ng siyudad, inireklamo ng biktima ang hirap na paghinga ilang minuto matapos mabakunahan. 

 Agad naman daw siyang dinala sa JR Borja General Hospital, pero idineklarang dead on arrival.

Paliwanag naman ni Bernardo, may comorbidities ang namatay na senior citizen. 

Itinuloy ang pagbigay ng bakuna, dahil umano ambulatory at hindi ito mukhang sakitin.

Sa kaniyang daily COVID-19 update sa Facebook, inabisuhan ni Cagayan de Oro City Mayor Oscar Moreno ang mga mayroong comorbidities na magpa-clearance muna sa kanilang mga doktor bago magpabakuna laban sa coronavirus. 

KAUGNAY NA BALITA: 

Watch more in iWantTFC

Itutuloy pa rin daw ang pamimigay ng bakuna sa lungsod dahil mas kailangan ng mga mamamayan ang proteksyun nito laban sa COVID.

Patuloy ang pag-akyat ng bilang ng mga tinatamaan ng virus sa Cagayan de Oro na nakapagtala ng 71 bagong kaso Miyerkoles. 

Umabot na sa 773 ang active COVID-19 cases sa lungsod.

Ang Cagayan de Oro ay napabilang sa mga lugar na isinama sa areas of concern ng OCTA Research dahil sa pag-akyat ng bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19. — Ulat ni PJ dela Peña 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.