PatrolPH

Mga alkalde sa Surigao del Sur inatasang manatili, maghanda sa bagyong Crising

ABS-CBN News

Posted at May 13 2021 03:38 PM

Mga alkalde sa Surigao del Sur inatasang manatili, maghanda sa bagyong Crising 1
Pinaghahanda na ang lahat ng mga alkalde sa Surigao del Sur sa posibleng epekto ng bagyong Crising. Larawan mula sa Facebook page ni Surigao del Sur Gov. Alexander "Ayec" Pimentel

Naglabas ng kautusan ngayong Huwebes si Surigao del Sur Governor Alexander Pimentel para sa lahat ng alkalde ng lalawigan na manatili sa kanilang lugar dahil sa inaasahang pagdating ng bagyong Crising.

Aniya, dapat magtakda ang mga ito ng "preparedness measures" para makamit ang zero casualty. 

Sa inilabas na order, kailangang magsagawa ang mga LGU ng pre-disaster risk assessment, i-activate ang emergency operation center, magpatupad ng 'No Sailing' policy, at magsagawa ng pre-emptive evacuation sa mga high-risk areas habang ipapatupad din ang minimum health protocols.

Kasalukuyang nakataas ang Signals No. 1 at 2 sa iba't ibang bahagi ng lalawigan dahil sa bagyong Crising.

Sa pinakahuling weather bulletin ng PAGASA, namataan ang bagyo sa layong 250 kilometers east of Davao City, ala-1 ng hapon, taglay ang hanging 65 kph malapit sa gitna at pagbugso na umaabot sa 80 kph.

Nitong Pebrero ay apektado ang Surigao del Sur ng bagyong Auring.

- Ulat ni Lorilly Charmane Awitan

 RELATED VIDEO FROM THE ARCHIVES

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.