PatrolPH

Magkapatid tiklo sa droga sa Ilocos Norte

ABS-CBN News

Posted at May 13 2021 11:50 PM

Timbog ang magkapatid na lalaki na hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa Ilocos Norte sa isinagawang search operation sa kanilang bahay sa Barangay Laureta sa bayan ng Solsona Huwebes ng hapon. 

Armado ng search warrant, ginalugad ng mga pulis ang kanilang bahay at dito nakuha ang 21 sachet na naglalaman ng shabu at 15 sachet na naglalaman naman ng dried marijuana leaves. 

Ang kabuuang halaga ng mga nakuhang shabu ay umaabot ng P6,000 habang P30,000 naman sa dried marijuana leaves. 

Ilang drug paraphernalia rin ang nakumpiska tulad ng lighter at improvised glass tube. Bukod sa mga ito, nakuha rin sa kanilang bahay ang isang rifle grenade. 

Ayon kay Police Lieutenant Jackson Sugayen, action officer ng Philippine Drug Enforcement Unit (PDEU) ng lalawigan, ang isa sa mga suspek ay tumakbo habang isinasagawa ang operasyon. 

Agad nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga pulis pero hindi nagtagal ay bumalik at boluntaryong sumuko rin ito sa mga pulis. 

"Itong magkapatid ay nahuli rin dahil sa illegal drugs noong 2015 pero nakalabas sila, na-dismiss ang kaso noong 2019 pero patuloy 'yung transaksyon ng grupo nila," ani Sugayen. 

Ang magkapatid ay lider umano ng isang illegal drug group sa lalawigan. 

Kabilang ang dalawa sa Top 10 priority target list ng mga illegal drug suspects sa Region 1.

Inihahanda na ang mga karampatang kaso laban sa magkapatid.

-ulat ni Grace Alba

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.