PatrolPH

Mag-ina sa Albay patay matapos makuryente

ABS-CBN News

Posted at May 13 2021 04:44 PM

MALINAO, Albay — Patay ang mag-ina sa bayan na ito matapos silang parehong makuryente dahil sa sirang extension cord na gagamitin sana sa paglalaba. 

Nakaburol na sa kanilang bahay ang mag-inang sina Asuncion Adalin, 51, at anak nitong si Ayen, 13.

Ayon sa mga kaanak, pasado alas-9 ng umaga nang makitang walang malay si Asuncion sa tabi ng washing machine.

"Nakita ko nakahiga na parang wala nang buhay," kuwento ni Josefa Bonagua, manugang ng biktima.

Nang makita ni Ayen ang ina ay sasaklolohan sana niya ito pero bigla na lang itong nangisay at natumba matapos makaapak ng wire.

Maglalaba sana si Asuncion gamit ang washing machine pero dahil sabay na gumagamit ng water pump, kinailangan nitong gumamit ng isa pang extension wire.

Posibleng mali umano ang nasaksakan ng extension wire kaya nakuryente ito.

Huli na nang malaman nila na galing pala sa extension wire ang kuryente.

Nadala pa sa ospital ang mag-ina pero dead-on-arrival na.

Nagbabala ang Albay Power and Energy Corporation sa mga gumagamit ng electrical appliance na mag-ingat lalo na kung basa ito.

Sa mga gumagamit ng extension wire, siguraduhin umano na walang gasgas ang mga ito.

—Ulat ni Jose Carretero

KAUGNAY NA VIDEO

Watch more on iWantTFC

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.