Hinagpis ng ina: Naaksidenteng anak, tinanggalan umano ng life support ng ospital

ABS-CBN News

Posted at May 13 2021 01:01 PM | Updated as of May 13 2021 04:28 PM

MAYNILA (UPDATE) - Nanawagan ng tulong ang isang ginang kay Pangulong Rodrigo Duterte na bigyang pansin ang naging pagtrato sa kaniyang anak na umano'y tinanggalan ng life support habang buhay pa at binalutan ng tape na parang mummy nang mamatay na sa isang ospital sa Nueva Vizcaya.

“Mahal na pangulo, bigyan niyo po ng pansin itong nangyari sa anak ko kasi para hindi naman po matulad sa iba pa,” sabi ni Metchielou Sapipi.

Watch more in iWantTFC

Ayon kay Sapipi, buhay pa ang anak na si Merwin nang tanggalan ng life support system sa ospital.

“Mismo ang mga mata ko po ang nakakita humihinga pa po 'yung anak ko. Gustong-gusto kong mayakap anak ko kasi kinabukasan na po ako dumating pero hindi ako pinagbigyan nung malaunan idineklara na na patay na 'yung anak ko na 'yun, tatanggalan na aparatos,” sabi ni Sapipi.

Sa panayam sa TeleRadyo Huwebes ng umaga, sinabi ni Sapipi na isinugod sa pagamutan sa Bayombong, Nueva Vizcaya ang 23-anyos na anak matapos na mabangga ang sinakyang motorsiklo nitong Abril 30. Dahil sa aksidente, kinailangan din putulin ang kaniyang kanang paa.

Sa Facebook naman idinaan ng isang kaanak ang galit matapos magbahagi doon ng larawan ni Merwin na nakabalot sa tape na parang mummy kahit hindi naman COVID-19 ang ikinamatay nito.

“'Yun na nga po ang masakit sa akin,” sabi ni Sapipi.

“'Yung protocol na sinasabi na ibalot-ibalot naiintindihan ko po 'yun. Doon sa pagtatanggal ng aparatos sa anak ko doon ako hindi sang-ayon kasi buhay pa po ang anak ko nang tanggalan ng aparatos. 'Yun ang pinaglalaban ko,” sabi ni Sapipi.

Nagpalabas naman ng pahayag ang Region II Trauma and Medical Center bilang tugon sa kumakalat na Facebook post tungkol umano sa pangyayari.

Dahil anila mula ang pasyente sa Madela, Quirino kung saan mataas ang kaso ng COVID-19, nagdesisyon ang mga doktor na gawin ang pag-amputate sa kaniyang paa sa isolation facility operating room. Matapos ang operasyon, inilipat siya sa Severe Acute Respiratory Infection (SARI) intensive care unit ward para ma-monitor at kabitan ng ventilator support. 

Pero nagkaroon umano ng bleeding complications ang pasyente at nakaranas ng cardiopulmonary arrest ng ilang beses. Napaliwanagan rin umano nila ang ina ng pasyente tungkol sa kondisyon nito.

Ayon sa ospital, tinanggal lamang ang aparato na nakakabit sa pasyente matapos itong ideklarang pumanaw na.

“On the 10th hour post-operative period, patient went again into third arrest. RT-PCR was done prior to his death. On 01 May 2021, 1252H, as evidenced with flatline EGC tracings, patient was pronounced dead by the attending physician. The contraptions were removed after the pronouncement of death,” ayon sa ospital.

Sumunod din lamang ang ospital sa patakaran ng Department of Health sa tamang pag-handle ng mga bangkay ng suspect, probable at confirmed COVID-19 cases.

“The patient was wrapped in a cloth, followed by a tape and placed inside a cadaver bag which is tightly sealed to prevent leakage of body fluids prior to transfer to our morgue freezer," saad ng ospital.

Nakikidalamhati ang ospital sa pamilya sa pagkamatay ng pasyente at sinabing bukas silang makipagdayalogo sa lahat ng mga nagnanais na magkaroon ng klaripikasyon kaugnay sa kanilang hospital management.