PatrolPH

Daan-daang Muslim ginunita ang Eid'l Fitr sa Manila Golden Mosque

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at May 13 2021 01:55 PM | Updated as of May 13 2021 02:00 PM

Daan-daang Muslim ginunita ang Eid'l Fitr sa Manila Golden Mosque 1
Ginunita ng mga Muslim ang Eid'l Fitr ngayong Mayo 13, 2021 sa Golden Mosque sa Quiapo, Maynila. Tiniyak naman ng pamunuan ng mosque ang pagsunod sa health protocols sa pagdiriwang. Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

MAYNILA — Daan-daang Muslim ang nagtungo sa Golden Mosque sa Quiapo, Maynila nitong umaga ng Huwebes para gunitahin ang Eid'l Fitr o pagtatapos ng Ramadan.

Pami-pamilya ang dumating sa mosque para sa pang-umagang dasal na sasalubong sa pista alas-6 ng umaga.

Limitado sa 20 porsiyentong kapasidad ang pinapasok sa mosque kaya naglatag ng prayer rugs sa Globo de Oro Street sa labas ng gusali.

Watch more on iWantTFC

Pangalawang taon nang nagdiriwang ang mga Muslim ng Eid'l Fitr sa gitna ng COVID-19 at aminado ang ilan sa kanila na hamon ito para sa pagpapatuloy nila ng tradisyon.

Pero ayon sa ilang nakapanayam na mananampalataya, tuloy pa rin ang pagpapasalamat at pagdiriwang.

"Sad talaga kasi andaming hindi nakakapag-pray kasi limited lang ang mga tao... Sana po matapos na ang pandemic na’to para next year, lahat na kami makapag-pray lahat," sabi ni Lyn Daddiho.

Ayon naman sa Manila Police Distirct, nagpagkasunduan nila ng pamunuan ng Golden Mosque na papanatilihin ng komunidad ang pagsunod sa physical distancing at iba pang health protocols sa pagdiriwang.

Sa mga tahanan na lang gagawin ang nakasanayang dating malaking pagsasalo.

Daan-daang Muslim ginunita ang Eid'l Fitr sa Manila Golden Mosque 2
Sa mga bahay-bahay muna ginunita ng mga Muslim sa Cotabato City ang Eid'l Fitr ngayong Mayo 13, 2021 sa gitna ng patuloy na CoVID-19 pandemic. Retrato mula kay Raiyana Kanakan

Sa Cotabato City, sa bahay-bahay muna nagdiwang ang mga Muslim ng Eid'l Fitr.

Walang tao sa mga mosque pagpatak ng alas-6 ng umaga nang magsimulang ang dasal ng mga pamilya.

Nag-host naman ang lokal na pamahalaan ng Facebook Live para sa mga gustong may kasabay sa sambayang.

Watch more on iWantTFC

Hinimok ng lokal na pamahalaan ang mga Muslim na sa bahay na lang magdiwang ng Eid'l Fitr imbes na sa mga mosque at iba pang pampublikong lugar para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Bagaman dismayado ang ilan sa muling pagbabawal sa pagtitipon, nauunawaan aniya nila na para ito sa ikabubuti ng lahat.

— May ulat ni Chrislen Bulosan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.