Posibleng pagbaha sa ilang lugar sa Luzon dala ng bagyo, thunderstorms pinaghahandaan

ABS-CBN News

Posted at May 13 2020 07:24 PM | Updated as of May 13 2020 09:32 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Pinaghahandaan na ng ilang parte ng bansa ang posibleng baha sa pag-ulan, na dala ng mainit na panahon sa Metro Manila at ng paparating na bagyo na unang tatama sa Bicol region. 

Nagpaalala ang Metropolitan Manila Development Authority sa wastong pagtatapon ng basura ngayong nararanasan ang pabugso-bugsong ulan sa Metro Manila sa mga nakalipas na araw. 

Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, naiipon kasi ang mas maraming basura ngayong naka-lockdown ang maraming lugar dala ng banta ng coronavirus disease 2019. 

"Maging responsable lang po tayo sa garbage natin lalo ngayon nasa bahay tayo. Maging responsable tayo sa pag-dispose," ani Garcia. 

Sa ngayon, ayon kay Garcia, walang problema sa mga pagbaha dahil naayos ang flood control program. 

"Sa paligid po namin kumaunti ang trash sa kalsada kasi nga wala pong tao. So tuluy-tuloy ‘yong drainage [operations] natin. Nililinis natin, sinisipsip natin ‘yan. ‘Yong ating pumping stations may mga tao naman tayong naka-monitor doon," ani Garcia. 

Hindi rin aniya ganoon karami ang mga nakahandang quarantine facility ng mga lokal na pamahalaan na mga tent lang. 

Pero para makasigurado, nakabantay pa rin sila sa mga eskuwelahang ginawang COVID-19 isolation facility ng mga nahawahan nito. 

Nitong mga nagdaang araw, nararanasan ang ulan kahit pa man pumalo sa 42 degree Celsius ang heat index sa Metro Manila. 

Paliwanag ni PAGASA weather forecaster Ariel Rojas, galing ang ulan sa naipong "moisture" sa mga ulap na dala ng sobrang init ng panahon. 

Karaniwan po na kapag tag-init talaga siyempre sobrang malakas o mainit ‘yong temperatura so mabilis po ang evaporation,” ani Rojas.

Ibig sabihin, wala pa itong kinalaman sa paparating na Bagyong Ambo, na inaasahang babagsak sa Bicol region ngayong linggo. 

Paliwanag ni Rojas: "'Yong ating bagong bagyong binabantayan na si Ambo, ay nasa gitna pa po ng karagatan malayong-malayo pa po ‘yan sa atin sa Luzon so mga localized thunderstorms lamang ‘yong nararanasan natin sa Metro Manila at ibang bahagi ng Luzon,"

Watch more in iWant or TFC.tv

PAGHAHANDA VS AMBO SA BICOL REGION 

Samantala, puspusan ang paghahanda ng mga opisyal sa Sorosogon ngayong paparating ang bagyong Ambo. 

Inabisuhan na ang barangay officials na maghanda. 

Problemado naman ang punong-barangay ng Barangay Bulabog sakaling manalasa ang bagyo dahil paubos na ang kanilang budget dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

“Paubos na ang budget ng barangay sa ano eh, kakabigay ng ayuda sa tao kaya sa ngayon ‘yan na naman ang naiisip namin kung saka-sakali saan na kami kukuha [ng pondo],” ani Allen Lasana, kapitan ng barangay. 

Ang ilang evacuation centers at rescue centers, inihahanda na dahil inaasahang landslide at daluyong - o storm surge - sa ilang lugar sa Sorsogon. 

Posible na ring magpatupad ng preemptive evacuation sa ilang delikadong lugar ang lokal na pamahalaan, pero tiniyak ng LGU na magpapatupad pa rin sila ng physical distancing sa mga ito. 

"Kumbaga sa ano isang family yun na lang ang gawin natin na may distance between the other group kasi kung we have to be specific sa [physical] distancing baka hindi magkasya ang evacuation center for all the evacuees na target natin,” ani Raden Dimaano ng Sorsogon Disaster Risk Reduction and Management Office. 

Hinaharang naman ang mga trak galing Maynila papuntang Matnog Port sa Pilar, Sorsogon para maiwasan ang siksikan sa pantalan. 

Sa Camarines Sur, nagbuo na rin ng task force ang LGU at may camp management team ang bawat munisipyo para masigurong masunod ang physical distancing sa loob ng evacuation centers. 

Naitabi na ng mga mangingisda sa San Miguel Bay sa bayan ng Tinambac ang kanilang mga bangka. 

Maaga na ring nag-ani ng mga pananim ang mga nasa Calabang.  — Ulat nina Doris Bigornia at Jose Carretero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.