PatrolPH

OFWs dagsa sa swabbing center sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at May 13 2020 01:16 PM

Mistulang nabalewala ang physical distancing nang dumagsa ngayong Miyerkoles ang maraming overseas Filipino worker sa mega swabbing center sa Maynila para magpa-test sa coronavirus disease (COVID-19).

Dahil sa dami ng OFWs, halos magkakatabi sila sa pila papasok ng Palacio de Maynila sa Roxas Boulevard, isa sa 4 na mega swabbing center para sa COVID-19 tests.

Nauna nang sinabi ng Philippine Coast Guard na tinatayang nasa 600 OFWs ang nakatakdang magpa-test sa naturang pasilidad ngayong Miyerkoles.

Nangako si PCG Spokesperson Commodore Armand Balilo na aaksyunan agad ang kawalan ng physical distancing sa pasilidad.

Dapat daw ay ipinatutupad ang physical distancing sa lahat ng oras.

Sa tala ng PCG, noong Lunes at Martes, mayroon nang 2,147 umuwing OFWs ang naisalang sa swab testing ng mga tauhan ng Sub-Task Group for the Repatriation of OFWs.

Sa Palacio de Maynila, kayang magsagawa ng 5,000 tests kada araw, ayon sa pagtaya ng mga awtoridad.

Dadalhin ang swab sample sa laboratoryo ng Philippine Red Cross para makumpirma kung ang mga nagpa-test ay positibo sa COVID-19.

Inaasahang mailalabas ang resulta ng swab test sa loob ng 24 hanggang 48 oras depende sa dami ng makukuhang swab sample kada araw.

-- Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.