PatrolPH

Muling pagbubukas ng mga clinic pinaghahandaan

ABS-CBN News

Posted at May 13 2020 02:53 PM

Pinaghahandaan na ng mga medical professional ang tinaguriang "new normal" pagdating sa pag-operate ng kanilang mga clinic.

Ayon kay Benito Atienza, vice president ng Philippine Medical Association (PMA), maglalabas sila ng mga patakaran para sa kanilang mga miyembrong doktor bilang paghahanda sa pagbubukas muli ng mga clinic kapag ipinatupad na ang general community quarantine.

Para sa mga pasyente, kailangang magsuot umano ng face mask o kung maaari ay N95 mask kapag magpapakonsulta sa clinic.

Ang mga doktor naman ay kailangang magsuot ng goggles, gloves, isolation gown, at closed shoes. Papalitan umano ang gowns kada 2 pasyente o kung maaari ay bawat pasyente.

Dapat din daw ay nasa 3 talampakan ang distansiya ng doktor sa kanilang mga pasyente.

Hinihikayat din ang mga doktor na limitahan ang bilang ng face-to-face consultation sa 5 pasyente kada araw at magkaroon ng physical distancing sa mga clinic.

Hindi rin umano gagamit ng aircon ang mga doktor sa kanilang clinic, at lagi na lang bubuksan ang mga bintana at pintuan.

Dapat din umanong i-disinfect ng mga doktor ang mga clinic kada araw.

TELEMEDICINE ITINUTULAK

Para mabawasan ang face-to-face consultations, inirerekomenda rin ng PMA ang patuloy na pagsasagawa ng telemedicine o pagpapakonsulta sa mga doktor online sa pamamagitan ng video call o chat.

Sa ngayon, may libreng online consultation na ibinibigay ang PMA katuwang ang iba pang medical association sa website na DocPH.

Ang sino mang gustong magpakonsulta ay maaaring mag-log in sa website mula alas-9 ng umaga hanggang alas-9 ng gabi kada araw.

Higit 200 lisensiyadong doktor mula Pilipinas, Europe, North America at Middle East na may iba-ibang specialization ang puwedeng tumugon sa ano mang klaseng mga sakit.

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.