Pinagpapaliwanag ng National Bureau of Investigation (NBI) si Overseas Workers Welfare Administration Deputy Administrator Mocha Uson dahil umano'y reklamong may kinalaman sa fake news o pekeng balita.
Isang subpoena ang pinadala ng NBI para kay Uson matapos siyang ireklamo tungkol sa isa niyang post ng mga personal protective equipment na binili at ibinigay umano ng Department of Health, ayon kay NBI cybercrime division chief Vic Lorenzo.
Pero lumabas na ang PPE ay mula sa donasyon ng isang pribadong kompanya.
Humingi na nang paumanhin si Uson sa pagkakamali matapos magreklamo ang mga netizen.
Ayon kay Lorenzo, simula pa lang ito ng imbestigasyon at wala pang kasong sinasampa.
Nilinaw ng NBI na tinatanggap nila ang mga kaso tungkol sa pagbabanta sa mga opisyal at fake news, lalo kung may pormal na reklamo tulad ng kay Uson.
Noong gabi ng Martes, isang lalaki ang inaresto matapos mag-post na magbibigay ng P100 million sa makapapatay kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Kasunod ito ng pag-aresto sa isang guro dahil sa pag-post na magbibigay siya ng P50 million para sa makapapatay sa pangulo.
Inamin ng parehong suspek na gusto nilang sumikat kaya sila nag-post ng pagbabanta.
-- Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, National Bureau of Investigation, Mocha Uson, Overseas Workers Welfare Administration, fake news, cybercrime, threats, online threat, Rodrigo Duterte, TV Patrol, Niko Baua