PatrolPH

Mga pagawaan ng jersey, graduation items dumadaing sa lugi dahil sa lockdown

ABS-CBN News

Posted at May 13 2020 05:13 PM | Updated as of May 13 2020 05:36 PM

MAYNILA - Karaniwang tuwing Mayo kumikita ang mga pagawaan ng graduation tokens at mga printing shop sa Recto lalo na't sa panahong ito karaniwang nagtatapos ang klase sa mga nakapaligid na paaralan. 

Pero ngayong may enhanced community quarantine natigil ang ilang negosyo sa nasabing lugar. 

Isa rito ang pagawaan ng medalya at printing shop ni Greg Jabonete. 

Wala aniya siyang customer ngayong walang graduation, at hindi na pinapa-book bind ang mga thesis ng mga nagtatapos na estudyante. 

"Nung mga nauna, bago nag-lockdown, may mga order. (Nakuha na?) Wala pa, nandidito pa. (Eh paano kung hindi kuhanin?) Lugi ka na," ani Jabonete. 

Suwerte pa kung ituring ang kalapit na puwesto ni Jabonete, na pagmamay-ari ni Tito Noslac. 

Dito kasi nagpupuntahan ang mga kabarangay niyang nagpapa-laminate ng quarantine pass. 

Gayunman, ayon kay Noslac, hindi kalakihan ang kita niya para suportahan ang pagkain sa araw-araw. 

Isama pa rito ang gastos sa tubig, kuryente, at buwanang renta sa puwesto. Pero dahil sa mga quarantine pass, kahit papaano aniya ay nairaraos niya ang kaniyang negosyo. 

"Nangungupahan ka dito, babayad sa tubig, babayad sa ilaw, paaral ka ng anak mo, eh paano tayo kikita kung ganito sitwasyon. Magtityaga lang tayo. Wala naman tayong sinasagasaan," ani Noslac.

Si Robert Roco, naghanap ng ibang pagkakakitaan ngayong suspendido ang mga summer basketball league sa tag-init. 

Nawala sa puwesto si Roco at natigil ang kaniyang negosyo, kaya abala ngayon si Roco sa pagtahi ng mga uniporme ng pulis at coast guard sa isang bangketa sa Recto. 

Mabuti na aniya'y mayroon pa rin siyang pagkakakitaan. 

"Kasi ilan ang tao ko dun na naka-lockdown, halos kapos talaga sa budget. Kaya ok na rin sa'kin kasi bukod sa kumita, eh mahirap ho sir yung nakakulong sa bahay, sobrang init. Mainit na kulang pa sa budget," ani Roco. 

Maaalalang naudlot ang pagdaraos ng graduation sa mga paaralan sa bansa dahil sa pagbabawal sa mass gathering para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19. May opsyon ang mga paaralan na magsagawa ng "online" graduation ceremonies. 

-- Ulat ni Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.