Higit P12-M halaga ng ari-arian natupok sa 2 Taguig warehouse

ABS-CBN News

Posted at May 13 2020 01:23 PM | Updated as of May 13 2020 06:18 PM

Watch more in iWantTFC

Umabot sa higit P12 milyon ang halaga ng pinsala sa ari-arian sa magdamag na sunog na tumama sa 2 warehouse sa Taguig City, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).

Pasado alas-5 ng hapon ng Martes nang sumiklab ang sunog at tuluyan lamang itong naapula bago mag-alas-10 ng umaga nitong Miyerkoles o halos 17 oras, ayon sa BFP.

Aabot sa 9 na firetruck ng BFP ang rumesponde sa sunog sa may Bicutan pero hindi basta-basta mapasok ang mga warehouse dahil bumagsak ang bubong nito at tumabingi ang mga pader.

Sa tagal ng pag-apula, nagkaubusan ng oxygen tank at nasugatan pa sa ulo ang isang fire volunteer.

Nagsimula ang apoy sa Grandeur Warehouse, na may nakaimbak na mga carpet, at nadamay ang katabing SPJ Warehouse, na may mga appliance gaya ng speaker, ayon sa BFP.

Nabulabog naman ang mga taga-Barangay East Rembo sa Makati nang masunog ang isang bahay pasado ala-1 ng madaling araw ng Miyerkoles.

Second floor ng isang duplex ang nasunog pero walang tao sa palapag noon kaya nakaligtas umano ang mga nakatira.

Naapula rin ang apoy makalipas ang higit isang oras.

Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi ng mga sunog sa Makati at Taguig. -- Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.