Frontliners pinag-iingat sa gitna ng mainit na panahon

ABS-CBN News

Posted at May 13 2020 05:26 PM | Updated as of May 20 2020 07:10 PM

Watch more in iWantTFC

Pinag-iingat ng isang safety expert ang mga frontliner na nangunguna sa laban sa coronavirus disease (COVID-19) na huwag magbabad sa ilalim ng araw lalo at may peligro sa kalusugang dulot ang mainit na panahong patuloy na nararanasan.

Ipinayo ng safety expert na si Ted Esguerra sa mga frontliner at essential worker na nagtatrabaho sa labas na sumilong kapag sobra ang init.

Mainam ding tiyakin umano ng mga frontliner kung sila ay hydrated o sapat ang tubig sa katawan.

Pinababawas din ni Esguerra sa frontliners ang pag-inom ng mainit na kape, tsaa o alak.

Para sa mga pulis at militar, maaari makatulong kung payagan sila ng kanilang mga hepe ng athletic wear ang suotin at hindi ang mabibigat na unimporme, ani Esguerra.

Ayon kay Esguerra, posibleng ma-heat stroke ang mga frontliner kapag napabayaan ang heat exhaustion o iyong pagkahilo at sobrang pagpapawis dahil sa babad sa init.

Noong Lunes, naitala ng state weather bureau na Pagasa ang pinakamataas na temperatura ngayong taon sa Echague, Isabela sa 41.2 degrees Celsius. -- Ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.