PatrolPH

ECQ sa Bataan, hiniling na palawigin pa hanggang May 31

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at May 13 2020 08:12 PM | Updated as of May 13 2020 10:39 PM

MAYNILA - Hiniling ng provincial government ng Bataan na palawigin pa ang ipinatutupad na Enhanced Community Quarantine sa lalawigan.

Sa liham na ipinadala ni Dinalupihan City Mayor Maria Angela Garcia, na siya ring presidente ng Bataan chapter ng League of Municipalities of the Philippines, kay Bataan Governor Albert Garcia, hiniling niya na iendorso sa regional Inter-Agency Task Force na palawigin pa ang ECQ hanggang May 31.

Sa anunsyo kasi ng IATF, isasailalim na lamang sa general community quarantine simula sa May 16 ang buong Central Luzon.

Paliwanag ni Garcia, maaga pa upang alisin ang ECQ. Sa forecast report ng University of the Philippines, bagama't nag-stabilize na ang sitwasyon sa Bataan, marami pa rin ang bagong kaso.

May 111 na kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Bataan sa kasalukuyan, kung saan 42 ang gumaling, habang 5 ang nasawi. May hinihintay namang resulta ng mga isinagawang COVID-19 tests sa 559 katao.

Giit ni Garcia, malaki ang naitulong ng ECQ sa mga isinasagawang hakbang laban sa COVID-19 kaya nararapat lamang na palawigin muna ito upang magpatuloy ang magandang resulta ng mga ipinapatupad na programa, kabilang ang mass testing, contact tracing, at isolation ng mga nagpositibo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.