Construction worker sa Aklan, inaresto dahil sa pagbabanta umano sa Pangulo

Regi Adosto, ABS-CBN News

Posted at May 13 2020 01:41 AM | Updated as of May 13 2020 11:43 AM

Photo courtesy: CIDG 6

Inaresto ang isang 40 anyos na construction worker sa Malay, Aklan nitong Martes matapos itong mag-post sa kaniyang social media account ng pagbabanta umano sa buhay ni Pangulong Rodrigo Duterte. 

Sa ulat ng Malay police, nakatanggap umano sila ng impormasyon ukol sa post ng suspek alas-7 ng gabi.

Dagdag ng mga awtoridad, nakalathala ang "yong 50 milyon nyo doblihin ko gawin kung 100milyon kung sino makapatay kay duterte andito ako ngayon sa boracay..."

Nitong Lunes, inaresto ang isang guro sa bayan ng Sta. Cruz, Zambales matapos mag-post sa kaniyang Twitter account ng pagbabanta umano sa buhay ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Gamit ang isang pribadong Twitter account, nag-post umano ang public school teacher na handa siyang magbigay ng P50-million na reward sa makapapatay sa Pangulo.

Nakatakdang maghain ang mga awtoridad ng kasong paglabag sa Cybercrime Law laban sa suspek.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.