PatrolPH

ALAMIN: Mga industriyang papayagan sa ilalim ng 'modified' quarantines

Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Posted at May 13 2020 07:13 PM | Updated as of May 13 2020 09:46 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA — Isinailalim na rin ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) sa modified general community quarantine ang mga lugar sa bansa na itinuturing na low-risk areas para sa COVID-19, taliwas sa nauna nilang anunsiyo noong Martes.

Sa briefing ng Palasyo nitong Miyerkoles, sinabi ni DILG secretary Eduardo Año na aamyendahan nila ang kanilang naunang resolusyon.

"Since yesterday there are many mayors and governors, texting me and calling me regarding their concern, kasi sila ang responsible diyan and very abrupt kung tatanggalin mo agad ang quarantine," ani Año.

Idinetalye rin ng IATF ang mga papayagang industriya sa ilalim ng modified enhanced community quarantine, na ipatutupad sa Metro Manila, Cebu City, at Laguna. 

Papayagan muling mag-operate nang hanggang kalahati ng kanilang workforce ang mga industriya gaya ng manufacturing ng mga textiles o damit, computer, electronic at optical products, mga electrical equipment, mga malakihang essential public at private construction projects, mga financial services gaya ng money exchange at insurance, legal at accounting firm, management consultancy, architecture at engineering activities, scientific and research development, advertising at market research, computer programming, publishing, film, music at TV production, pati na ang pagkukumpuni at pagbebenta ng mga sasakyan at motor parts.

Papayagan din sa modified ECQ ang limitadong pagbubukas ng mga malls at commercial centers para sa mga non-leisure shops gaya ng hardware, clothing at accessories, mga mall-based government frontline services, bookstores at school and office supply stores, baby care supplies, pet food and pet care supplies, IT, communications and electronic equipment, flower at jewelry shops, at toy stores pero sarado ang playground at amusement area.

Pero bawal pa rin ang mga gym, sinehan, library, tourist destinations, travel agency, at mga personal care services gaya ng massage parlor at sauna sa ilalim ng modified ECQ.

Pero kahit pinayagan na ang muling pagbubukas ng ilang industriya at negosyo, mahigpit pa rin umanong pagbabawalan ang pampublikong transportasyon sa ilalim ng modified ECQ, maliban na lang sa mga public shuttle ng mga kompanyang papayagang mag-operate.

Sa modified ECQ, bawal pa rin ang mga domestic flights at limitado pa rin para sa mga OFW at mga pabalik na Pilipino ang mga inbound international flights.

Samantala, puwede na rin ang mga pribadong bisikleta, motorsiklo at scooter pero dapat ay walang angkas.

Papayagan naman ang ilang limitadong outdoor exercises gaya ng paglalakad, jogging, pagtakbo at pagbisikleta pero kailangan pa ring sumunod sa safety protocols gaya ng pagusuot ng mask at physical distancing.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.