'Suntukan, rambol': Ilang karahasan sumiklab sa gitna ng halalan

ABS-CBN News

Posted at May 13 2019 08:15 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sari-saring karahasan at gulo ang naitala sa iba't ibang bahagi ng bansa nitong Lunes kasabay ng pagsasagawa ng midterm elections. 

Sa isang presinto ng Bacong Elementary School sa Marantao, Lanao del Sur, nagtagpo ang mga supporter ng isang magkalabang kandidato nitong hapon.

Nagkainitan at nagbangayan, hanggang sa nauwi na sa gulo. 

Ang isang botante, ibinato ang silya sa kaniyang kalaban hanggang sa nagkasuntukan at nagkasipaan.

Isang warning shot ang ginawa ng isang pulis para mapaghiwalay ang mga nag-aaway. Isa sa kanila ang duguan ang ulo dahil sa suntukan. 

Sa Cawayan Elementary School naman, sapilitang sinira ng ilang lalaki ang pader ng classroom at pinasok ang mga electoral board.

Binalibag ang vote counting machine, pinunit ang mga balota at sinaktan ang isang opisyal doon. 

"Pinagbubugbog nila ako kasi pinoprotektahan ko 'yung machine, niyakap ko, binugbog ako," ani Annas Deriposun.

Masuwerteng gumana pa rin ang makina at itinuloy ang botohan.

Sa ngayon, sa mga munisipyo muna magbibilangan pero kung magkakagulo ay ililipat agad ito sa kapitolyo ng probinsiya.

MARAWI

Watch more in iWant or TFC.tv

Samu't sari rin ang naging aberya sa halalan sa Marawi gaya na lang ng suntukan sa isang presinto ng supporters ng mga magkatunggaling mga kandidato.

Sa Amai Pakpak Elementary School na isa sa mga pinakamalalaking polling centers sa Marawi, nagkasuntukan ang mga supporter matapos magkainisan.

Pero walang inaresto at nagdagdag lang ang militar ng seguridad sa area.

Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), mas mapayapa raw ang halalan kumpara noong nakaraan kung saan may barilan, pagpapasabog, at mga namatay. 

ABRA 

Watch more in iWant or TFC.tv

Bahagyang naantala naman ang botohan sa tatlong barangay sa Abra matapos magkagulo ang mga supporter.

Sa Barangay Collago, Lagayan, nagsuntukan ang mga supporter ng magkalabang kandidato sa pagkaalkalde. Nakuhanan pa ng video ang pag-aresto sa mga ito.

Hindi naman makaboto ang mga residente sa parehong barangay dahil sa pananakot ng umano'y supporters ng isang mayoralty candidate. 

Sa Bangued, Abra naman, nagkaroon ng batuhan ang supporters ng magkalabang kandidato sa pagkaalkalde. 

"We are expecting sana na wala nang maidagdag. Sabi ko nga na kahit marami ang sundalo at pulis dito kung talagang may gusto manggulo, mangyayari yan pero we have to contain," sabi ni Police Col. Alfredo Dangani, Provincial Director ng Abra police.

—Ulat nina Ron Gagalac, Jeff Canoy, at Micaella Ilao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.