Pagsabog naiulat sa Wao, Lanao del Sur

ABS-CBN News

Posted at May 13 2019 10:53 PM

Isang pagsabog ang naganap sa likod ng Wao Central Community School sa Barangay Manila Group sa bayan ng Wao Lanao del Sur, Lunes ng hapon. 

May nakapila pa na mga botante ng mangyari ang pagsabog.

Ayon kay Wao Chief of Police, Capt. Adrian Sevilla, hindi naman nag-panic ang mga residente. Akala kasi nila na kidlat lamang ito dahil nataon na umuulan sa lugar.

Nang tignan ng pulisya, may nakita sila na mababaw na hukay na may powder burn sa lugar. Walang naiulat na nasugatan sa insidente.

Hindi pa matukoy ng mga imbestigador kung anong klase ng pampasabog ang ginamit ng mga salarin.

Aalamin pa rin ng pulisya ang motibo at pagkakilanlan ng suspek.

Kahit sa nangyaring pagsabog, tinapos ang botohan sa naturang polling center.