Mga pumalyang makina, marker ilan sa inireklamong aberya sa halalan

ABS-CBN News

Posted at May 13 2019 08:39 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Mga pumalyang makinang ginagamit pantukoy ng mga botante sa polling centers, marker at mahahabang pila ang ilan sa mga aberyang naranasan at inireklamo sa halalan ngayong Lunes.

Sa President Corazon Aquino Elementary School sa Quezon City, kung saan libo-libo ang bumoboto, ilang oras naghintay ang ilang botante bago makapasok sa presinto dahil hindi gumagana ang mga Voter Registration Verification Machine (VRVM).

Ang mga VRVM ang mga device na pantukoy sa mga botanteng nakalista sa partikular na polling precinct gamit ang mga fingerprint. Ito ang papalit sana sa pamano-manong paghahanap ng pangalan ng mga botante sa papel.

Hindi rin agad nahanap ng ilang botante ang kanilang mga presinto, gaya ni Donata Quipanes, 71, na halos mahilo matapos magpaikot-ikot kasama ang anak na person with disability (PWD).

"Siguro mga isang oras kaming naghanap ng number," ani Quipanes.

Bukod sa mga palpak na VRVM, siksikan, mainit at mahaba rin ang pila sa nasabing paaralan.

Inireklamo rin sa paaralan ang kakulangan ng marker na ginagamit sa pagboto.

Ayon sa botanteng si Steve Paredes, agad siyang nakakuha ng balota pero isang oras ang hinintay bago nabigyan ng marker.

"Ang problema lang dito, pentel pen. Kaya 'yong iba tingnan mo naghihintay pa. Mayroon isa rito, naghihiraman na lang," ani Paredes.

Tumagos naman sa likod ng balota ang tintang galing sa kakaibang marker ni Katherine Amparado.

Gayon na lang ang pagkadismaya ni Amparado nang malaman invalid ang kaniyang boto.

"Pumila kami para sa wala siyempre, nakakainis 'di ba?" ani Amparado.

Naging hamon din ang pagboto para sa ilang PWD gaya ng partially blind na si Leah Atayde, na nahiwalay sa kaniyang kasama.

Inilabas ni Atayde sa presinto ang balota para humingi ng tulong.

"Hindi ko po ma-shade kasi po visual 'yong disability ko," ani Atayde.

Binigyan ng espesyal na presinto ang mga senior citizen at PWD sa ground floor ng nasabing eskuwelahan.

Binigyan ang mga senior at PWD ng waiver dahil sa mga secrecy envelope lang ilalagay ang mga balota gayong walang vote counting machine (VCM) doon.

Watch more in iWant or TFC.tv

MGA TAGA-CAVITE NAABALA SA PAGPAYLA NG MGA VRVM, VCM

Naabala rin ang pagboto ng maraming botante sa Cavite dahil nasira ang halos lahat sa mga ipinadalang VRVM.

Pagpatak ng alas-4 ng hapon, sira na ang 1,812 sa 2,612 na VRVM sa lalawigan, ayon kay Ranulfo Pioquinto, Cavite Provincial Election Supervisor.

Ibig sabihin, 800 VRVM lang umano ang nagamit sa mga polling precinct sa buong lalawigan.

"Almost lahat ng VRVM ay hindi nag-function," ani Pioquinto.

"Medyo na-delay dahil naghintay pa po ng instruction sa protocol kung ano gagawin so nagkaroon ng mahabang pila," dagdag niya.

Isa ang Cavite sa ginawang pilot testing area ng paggamit ng mga VRVM, na kung gumana sana ay ipagagamit na sa buong bansa sa mga susunod na halalan.

Ayon kay Pioquinto, hindi pa magawang magtiwala ng Commission on Elections (Comelec) sa Cavite sa mga nasabing makina.

"Sa experience po namin medyo parang nadi-discourage na gumamit ng VRVM," aniya.

Higit 100 VCM naman ang nagloko rin at kinailangan palitan ng panibago.

Ayon kay Pioquinto, normal na sa kanila ang bilang ng mga pumalyang VCM.

--Ulat nina Jervis Manahan at Chiara Zambrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.