Maguindanao binulabog ng 2 pagsabog sa araw ng halalan

ABS-CBN News

Posted at May 13 2019 02:49 PM

Binulabog ng 2 pagsabog ang bayan ng Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao nitong Lunes, araw ng halalan.

Isang fragmentation grenade ang sumabog malapit sa munisipyo ng Datu Odin Sinsuat bandang ala-1 ng madaling araw, ilang oras bago magsimula ang botohan para sa midterm elections.

Niyanig muli ng pagsabog ang parehong lugar 7:20 ng umaga.

Walang naiulat na nasugatan o nasaktan sa parehong insidente at hindi naging hadlang ang mga ito sa pagtungo ng mga botante sa kani-kanilang mga presinto para bumoto.

Noong gabi ng Linggo, isa ring pagsabog ang naranasan sa Barangay Mother Rosary Heights, Cotabato City.

Isang 40 mm grenade ang sumabog sa children's park sa labas ng munisipyo ng Cotabato City, ayon sa pulisya. -- May ulat ni Lore Mae Andong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.

For updates on Halalan 2019 click here